Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa niyebe

Bakit kaya puti ang kulay ng niyebe?

Pagsapit pa lang ng taglagas, unti-unti nang nawawalan ng kulay ang paligid habang isinasaboy ng mga halaman ang kanilang mga dahon sa paligid. Totoo, hindi naman ito biglaan; mula sa berde ay nagiging makintab na kahel muna ang mga puno, animo'y taong nagpakulay ng buhok. Pero ang kahel ay nauuwi sa tigang na kulay-kape, hindi na sa itaas kundi sa ibaba, habang ang mga dahon ay isa-isa nang nalalaglag sa lupa. Hanggang sa pagsapit ng taglamig, kalbo na ang halos lahat ng puno; waring lubusan nang naubos ang lahat ng kulay sa paligid. Ang natitira na lang na piraso ng berde ay ang mga damuhan at ilang maliliit na halaman.

Na tatakpan naman ng makapal na puting niyebe.



Sa Pilipinas, pinakaaasam ang pagdanas ng pag-ulan ng niyebe. Lahat halos ng nangingibang-bayan sa panahon ng taglamig ay natatanong kung "Nakakita ka na ng snow?" Dinala ng Estados Unidos sa malayong kolonya nito ang masasayang imahe ng mayelong taglamig, tampok ang mga batang nagbabatuhan ng niyebe o kaya'y gumagawa ng snowman.

Taglay ko pa ang gayong larawan sa isipan nang una kong masilip mula sa bintana ang mabilis na pagbagsak ng niyebe. Agad kong kinuha ang camera para kunan ng larawan ang tagpo. Isa, dalawa, tatlong anggulo. Pagtagal pa, video naman ang kinuha ko. Isa, dalawa, tatlong minuto.

Bandang huli, sa patuloy pa rin na pagbagsak ng pinong niyebe mula sa kalangitan, sa pagkapal ng mga suson nito sa ibabaw ng mga damuhan at kalsada sa ibaba, sa unti-unting pagputi ng paligid hanggang sa abot ng tanaw, unti-unting napalitan ang pagkamangha ng pag-aalala. Sa patuloy na pagdilim ng langit, sa pagkaunti ng mga tao at sasakyang dumaraan, sa pagdaan ng mga oras na walang pag-aliwalas, pumanaw ang saya upang magbigay-daan sa lumbay. Bandang huli, nang kinailangan ko na mismong lumabas at damhin ang ginaw, ang pagkaipon ng niyebe sa aking mukha, at ang paglubog ng sapatos ko sa mala-buhanging kaputian, nawala ang lahat ng ilusyong malaon kong kinandili sa isipan, anupat hindi ko na maipaliwanag kung paanong ang isa ay magiging maligaya sa ganitong kalagayan.

Kaya siguro puti ang niyebe.

Ayon sa pisika, ang puti, kung tutuusin, ay makulay, yamang ito ay resulta ng pagsasama-sama ng lahat ng kulay. Kung tutuusin, ito pa nga ang pinakamakulay, yamang isa lamang sa milyun-milyong mga kulay ang mawala, hindi na ito mabubuo. Sino nga ba naman ang mag-aakala na ang pagsasama-sama ng lahat ng kulay ay aakay sa kawalan na siyang puti.

Nagsama-sama ngayon sa aking isipan ang lahat ng makukulay na mga imahe ng taglamig at ng niyebe na naipon mula pa noong aking kabataan sa Pilipinas. Siyempre, ang kulang na lang ay ang mismong pagkaranas nito. At ngayong naranasan ko na ang niyebe sa unang pagkakataon, nakumpleto na ang larawan; ang resulta nito ay ang damdamin ng pangungulila, pag-iisa, at kawalan. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...