Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagmamadali

Kapag nagmamadali ako, saka naman parang laging may aberya.

Noong nakatira pa ako sa Antipolo at kailangan kong habulin ang alas-siyeteng klase ko sa UP Diliman, hindi talaga pumalya. Laging may mali kung kelan naman ako nagmamadali! Nariyang may maiwan: ang cellphone, ang wallet, ang libro. Kung kelan ka nagmamadali, saka naman walang dyip; kung kelan ka naghahabol, saka naman pagkabagal-bagal ng sasakyan. At kapag huli ka na, para bang ang haba ng pila ng sasakyan at ang tagal ng trapik.

*****

Pero kung iisipin, ang lahat ng bagay ay nagpapatuloy pa rin naman nang gayung-gayon gaya ng dati. Ang cellphone, wallet, at libro ay lagi lang namang nasa mesa sa tabi ng bag, at wala naman silang kakayahan na maglakad, lumayo, at magtago. Araw-araw namang mahirap sumakay; ang mabagal na dyip na iyon ang siya ring naghatid sa akin makailang ulit na noon. Ang lagay ng trapiko, bagamat hindi gumanda, ay hindi rin naman lumubha, at napagtiisan ko naman ito noon.

Ang punto: Ang problema sa pagmamadali ay wala sa mga nakapaligid. Nasa akin; kung paano tumatakbo ang isip ko kapag nagmamadali. Kapag nagmamadali, minamalas ko ang mga bagay-bagay sa negatibong paraan.

Sabihin pa, ang mas malaking aral para sa akin nang mga okasyong iyon ng pagmamadali ay: Gumising na nang maaga! Huwag nang ilagay ang sarili sa gayong sitwasyon!

*****

Sa pagdaan ng panahon, wari bang parami nang paraming tao ang napipilitang magmadali sa buhay.

Nais nilang maabot sa pinakamabilis na panahon ang mga bagay na, sa palagay nila, nararapat lamang sa kanila. Nagkukumahog ang marami ngayon para sa tinatawag nilang pinansiyal na seguridad. Pera. Hinahabol naman ng marami ang pagkakataong makagawa ng pangalan at makilala sa kani-kanilang larangan. Kasikatan.

Ang totoo, hindi naman masisisi ang gayong mga tao; kung paanong hindi rin naman ako masisisi noon na matakot na ma-late sa klase ko sa Soc Sci I. Para sa marami, ang mga bagay na ito ay parte na ng kanilang pagkatao, marahil ay nahubog bilang isang pangarap noong bata pa sila. Para naman sa iba, bunga ito ng pag-aalala para sa kinabukasan nila at ng kanilang pamilya. Ang iba ay marahil naiimpluwensiyahan ng isang marangal na layunin na makatulong sa pinakamarami hanggat maaari. At ang iba pa ay sadyang natatangay lamang ng bumibilis na agos ng buhay, anupat ayaw na magpahuli sa kanilang mga kasamahan.

Pero ang gayong pagmamadali ay baka mauwi sa pagkaiwan sa mga mahahalagang bagay. Sa pagkukumahog para makauna, baka maiwan ang makasagisag na "cellphone," ang mga sandaling paghinto para mangumusta at makipagtalastasan sa pinakamahahalagang mga kaibigan at kapamilya. Sa pagkakamal ng salapi, baka mapabayaan ang makasagisag na "wallet," ang tunay na yaman na dala ng mabuting kalusugan at masasayang sandali na dala ng pagiging kuntento sa piling ng mga mahal sa buhay. Sa paghahabol sa katanyagan, baka makalimutan na ang "libro" ng mga aral sa buhay, magandang asal, at mga pagpapahalaga.

Dahil sa labis-labis na pagmamadali, ang iba ay nadidismaya sa maliliit na mga pagsubok na dumarating, anupat iniisip na "mabagal" ang kanilang "sinasakyan." Sa halip na makigalak, itinuturing nilang kabiguan ang tagumpay ng iba, gaya ng mga sasakyang nakabalagbag sa kanilang harapan sa gitna ng masikip na trapik na pumipigil sa kanilang pag-usad.

*****

Sa ilang mga pagkakataon, hindi naman natin mababago ang bilis ng takbo ng buhay, kung paanong hindi ko na rin mababago na napasarap ang tulog ko nang sinundang gabi kapag nagkukumahog na sa pagpasok sa umaga. Pero, gaya ng nasabi ko kanina, kailangan nating linangin ang tamang kaisipan sa gitna ng pagmamadali ng lahat ng nakapaligid sa atin.

Siguraduhin nating wala tayong maiiwan. Kung makarating ka man sa pag-abot sa pangarap mo, pero naisakripisyo mo naman ang pamilya, kaibigan, o maging ang mismong kalusugan mo, mawawalang-saysay din ang lahat ng ito.

Magkaroon tayo ng tamang pangmalas sa mga pagsubok at abala. Hindi naman talaga perpekto ang mundo; sa halip na ituring bilang mga pang-abala, kumuha na lang tayo ng aral at katatagan mula sa mga ito.

Makigalak tayo sa tagumpay ng iba. Hindi ito isang laro na may talo o panalo. Ang tagumpay ng iba ay dapat na magsilbing isang halimbawa, isang inspirasyon, para magsumikap din tayo na magtagumpay.

*****

Bagamat may mga taong napalagay sa mga kalagayang hindi talaga nila maiiwasan na magkumahog, ako, sa ganang akin, ay nagpasiya na maghinay-hinay lang.

Hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng ganitong mapagpipilian, kaya lubos ko itong ipinagpapasalamat. Gaya ng paggising noon nang maaga tuwing Martes at Biyernes, binibigyan ko ng panahon ang sarili ko na pag-aralan ang mga susunod na hakbang. Humihinto ako sa pana-panahon para laging paalalahanan ang sarili.

Na huwag magmadali. Na ituring ang buhay hindi bilang karera kundi isang paglalakbay. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...