Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pag-akyat sa Bastei at pagkawala ng camera

Nitong nakaraang dulong sanlinggo, binista ako ni Grace at tinungo namin ang mga kagubatan ng Elbe Sandstone Mountains. Matagal ko na rin kasing gustong puntahan ang sikat na lumang tulay dito, ang Bastei Brücke.

Ang Bastei Brücke. Larawang kuha ni Andreas Steinhoff. Mula sa Wikipedia.

Mula sa Dresden, sumakay kami ng S-Bahn patungo sa direksiyon ng Schöna. Pagkalipas ng 30 minuto, natanaw na namin mula sa bintana ang mga matatayog na mga haliging bato sa tabi ng Ilog Elbe. Bumaba kami sa Stadt Wehlen at nag-abang ng ferry para tumawid sa kabilang ibayo. Doon na nagsimula ang ilang oras na paglalakad sa gitna ng napakagandang mga tanawin.

Sa pana-panahon, nagsasanga ang mga daan, at may mga poste na nagtuturo ng direksiyon patungo sa iba't-ibang lugar. May pantanging mga simbolo para sa bawat lugar; ang direksiyong patungo sa Bastei, halimbawa, ay may simbolong katulad ng watawat ng Hapon: isang pulang bilog sa gitna ng puting parisukat. Sa pana-panahon, makikita ring nakapinta ang palatandaang ito sa mga puno at mga batuhan, upang tulungan ang mga naliligaw na manlalakbay na matunton ang tamang daan.

At siyempre pa, naligaw kami. Sa isang malaking panulukan na may maraming sanga-sangang daan, sa halip na sumunod sa malaking patag na daan na diretso sa Bastei (na palagay namin ay korni), tinunton namin ang maliit na trail patungo sa makapal na kagubatan. Mala-Harry Potter daw ang itsura ng paligid, ang sabi ni Grace. Unti-unting kumipot ang mga daan nang marating namin ang isang bukal. Doon, kinailangan naming pumasok sa isang mala-kuwebang pasukan. Huminto muna kami para kunan ng litrato ang sandali.

Pag-akyat mula rito, napansin naming pabalik na ang tinutunton naming daan. Wala rin kami halos nasasalubong na mga tao. Aba, mukhang hindi na ito makararating sa Bastei. Binaybay namin ang maputik na mga daanan, puno ng mga tuyong dahon at mga tangkay.

Nang pababa na kaming muli, may problema: animoy walang daan! Ang trail ay naharangan ng malalaking mga bato. Waring limitado ang mga pagpipilian namin: (1) bumalik sa pinaggalingan, (2) gumilid sa mga batuhan sa kanang bahagi ng daan, o (3) magpadulas sa kaliwang bahagi. Buti na lang at sinilip ni Grace ang mga bato: may lusutan naman pala. Di na alintana na magkaputik-putik, lumusot kami sa makipot na espasyo sa pagitan ng mga batuhan. Kaya naman pala walang dumaraan dito: mga limang beses naming ginawa ang pagsuot sa ilalim ng mga bato, anupat nasabi ni Grace: “Contest ba `to?” dahil sa pagod ng paulit-ulit na pagyuko.

Maya-maya pa, nakabalik na kami sa aming pinanggalingan.

Sa pagkakataong ito, tinunton na namin ang daang papunta sa Bastei. Inabot din kami ng halos isang oras para marating ang lugar. Panira lang sa eksena ang hotel na nasa taluktok ng bundok; kailangan mong dumaan dito para makarating sa tulay.

At, sa wakas, naroon na rin kami. Nakatapak sa isang sinaunang batong tulay sa gitna ng nagtataasang mga sandstone formation.

Kinunan ko pa ng video ang eksena sa magkabilang bahagi ng tulay. Sa kaliwa, makikita ang iba pang mga toreng bato at ang mga kagubatan sa pagitan ng mga ito. Sa kanan, matatanaw naman ang ilog at ang mga komunidad sa ibaba. Huling-huli sa kuhang iyon ang ingay ng mga tao na sumasabay sa huni ng malakas na hangin mula sa mga bundok.

Sabihin pa, hindi na kami nagbayad upang pumasok sa kabilang ibayo. Dahil gumagabi na rin, nagpasiya na kaming maglakad pababa, pabirong nagrereklamo anumang uri ng daan ang aming malakaran (“Ano ba naman to, bakit ang liit ng steps ng hagdan?! Nakakapagod!” “Ano ba naman, bakit wala nang hagdan?! Pano kung madulas ako?!” “Anuba?! Bakit ang laki naman ng mga steps?!”). Makalipas ang ilang mga minuto, nasa ibaba na kaming muli. Matapos ang halos kalahating oras na pagpila at paghihintay na makasakay sa ferry para muling tumawid sa kabilang banda, nasumpungan namin ang aming mga sarili na nakaupo sa isang tabi sa istasyon ng tren. Matapos ang ilang minuto, nakasakay na rin kami.

Pagsakay, hindi na kami umakyat; doon na lang kami umupo sa tabi ng banyo. Kahit pagod, nagawa pa naming pagtawanan ang mga litrato namin sa iba't-ibang bahagi ng paglalakbay. Bandang huli, ang usapan ay napunta na sa pamilya, mga plano, at kung saan-saan pa. Hindi na namin namalayan nang bumaba kami sa tren.

Hindi ko na rin namalayan kung saan ko nailagay ang kamera.

*****

Kaya, heto, detalyadong-detalyado ko na lang na inilahad ang mga naganap. Nag-file na ako ng search papers sa kompanya ng tren, umaasang makakatanggap ng mabuting balita sa loob ng apat na linggo. Pansamantala, uulit-ulitin ko na lang na basahin ang paskil na ito. Sasariwain ko na lang sa isipan ang saya at pagod ng pag-akyat sa Bastei. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...