Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagbuo ng cabinet

Hindi ko alam kung sapat nang kuwalipikasyon na anak ako ng isang manggagawa ng cabinet. Pero ang totoo, hindi naman iyon mahalaga. Madali lang namang sundan ang instruksiyon ng Ikea. At wala namang choice si Grace; ako lang naman ang pinakamalapit na kaibigang lalake, na pwede niyang hingan ng tulong. Kaya hayun, magkasama naming binuo ang kaniyang bagong puting cabinet.

Sabihin pa, ang buong proseso ay punung-puno ng katatawanang dulot ng maling mga diskarte. Hindi nakalampas sa aking pansin ang pagiging-OC ni Grace; nakakapressure tuloy magpako, kailangan ko pang tiyaking magkakapareho ang distansiya nila sa isa't-isa. Tawang-tawa naman si Grace dahil kasyang-kasya ako sa loob ng animo'y isang nakatayong kabaong.

May siwang ang pinto; ulit. Hindi pantay; ulit.

Bandang huli, inilagay na niya ang huling tablang estante sa kaliwang bahagi. Sa loob ng isang maikling saglit, kapwa kami napatitig nang may paghanga sa resulta ng aming pagsisikap, ang aming obra. Maya-maya pa, ang sabik na si Grace ay naglalagay na ng mga hanger at damit sa cabinet. Sa wakas, nakapahinga at nakaligo na rin ang katawan kong pagod sa biyahe at sa pagpupukpok.

Kung pagod lang din ang habol ko, hindi siguro ito ang unang maiisip kong paraan. Aba, galing na kaya ako sa Bingen bago dumiretso sa Berlin. Hindi rin ako sabik bumuo ng mga gawang-kahoy; ang tatay ko mismo ang magpapatunay niyan.

Ang totoo, dumayo ako para makipagkumustahan sa taong itinuturing ko nang kapatid, o baka kakambal pa nga. May kasiyahan dala ang unti-unting pagkakabuo ng cabinet, oo, pero ang mas tumatak sa isip ko ay ang mga usapan sa restaurant pagkatapos. Bahagyang nag-iba ang mga tema (aba, tungkol sa pag-aasawa na ang mga paksa ng huntahan!) pero naroroon pa rin ang pamilyar na mga ugnayang nabuo matagal na panahon na ang nakakaraan sa mga pasilyo ng kolehiyo. Marami nang nagbago (aba, nasa labas kami ngayon isang mataong restaurant sa gitna ng Berlin!) pero parang walang nagbago. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...