Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga tagpo sa tangway



Manghang-mangha siya sa mga lansangan ng Venice. Nakakita na siya ng makikitid at pasikut-sikot na mga eskinita sa Maynila, pero lahat ng iyon ay walang mga pangalan at pananda na magtuturo ng daan tungo sa mga importanteng destinasyon.

Hindi katulad ng mga makikipot na daan ng Venice. 

Mga daan na punung-puno ngayon ng mga taong patungo sa magkabilang direksiyon. Na hindi niya inaasahan; malamig ang panahon, kaya dapat sana ay mas kaunti ang mga turista ngayon. 

Abala sa pag-iisip at pag-iwas sa nakakasalubong, hindi na niya namamalayan ang mga ikinukuwento ng kasama. Mga kuwentong ilang ulit na niyang narinig pero hindi siya pagsasawaang pakinggan. 

Bandang huli, ang makikipot na daan ay umakay tungo sa malalawak na piazza. "Malapit na tayo," pakli niya, nakahinga nang maluwag (literal at simbolikal) dahil hindi na siksikan. "Sandali," wika ng kasama, "ang ganda ng araw." 

Papansinin pa lamang sana niya ang halina ng pagdungaw ng liwanag mula sa kulay-abong kalangitan nang tanganan ng kasama ang kaniyang kamay. "Halika, dito tayo." Makailang ulit na sinipat ang maliwanag na langit; maging siya tuloy, na hindi magaling ni mahilig man sa pagkuha ng mga larawan, ay nakikuha na rin ng litrato ng tagpo. 

Dahil mabilis itong lumilipas. 

Gaya ng mga pagkakataong ito.

Makailang hakbang pa ay narating na rin nila ang tulay na aakay sa pinakatimog na bahagi ng pangunahing pulo. Narating na niya ito; ang dulo nito ay may patulis na hugis, gaya ng isang maliit na tangway, kung saan ang kanal at ang dagat ay nagtatagpo. Tanaw rin mula rito ang Piazza San Marco, ang pangunahing destinasyon sa Venice.

Habang naglalakad sila sa mga kalsadang nakaharap sa malawak na dagat, naghahalo ang mga damdamin sa kaniyang dibdib. Naroon ang panggigilalas sa kaniyang kasama. Naroon ang takot dahil malapit nang magwakas ang mga sandaling iyon. Pero bandang huli, nanaig ang kapayapaang dala ng mahinang hangin at mga katahimikang dala ng sandali. Napahinto siya. "Ang ganda rito."

"Oo nga," tugon ng kasama, muling kinukuha ang kamera. "Dali, picture."

Ngumiti na lang siya.

Maya-maya pa, nadaanan na nila ang malaking simbahan at ang katabi nitong art gallery. Narating na nila ang dulo ng isla. 

Habang abala ang kasama sa pagkuha ng larawan - dumagdag pa ang unti-unting papalubog na araw sa ganda ng tagpo - napatingin siya sa kabilang ibayo, sa direksiyon ng tore ng San Marco. Pinilipilit niyang sagapin ang mga detalye ng sandali - ang bawat kulay ng mga hotel sa kabilang pampang, ang bawat tunog mula sa mang-aawit sa dumadaang gondola, ang bawat malamig na tilamsik ng tubig mula sa paghampas ng mga alon sa gilid ng sementadong mga daan. 

Tinungo niya ang kasama at hiniram ang kamera. "Dali, pose ka sa dun sa tip." "Sige, aayusin ko ang kamera." "Okay, one, two,... ngiti naman diyan!"

Click. Maging ang tunog ng kamera ay hindi nakatakas sa kaniyang pansin.

"Ano, tara?" Kuntento na ang kasama sa magagandang kuha ng kaniyang kamera. "Sige, tara."

"Kopyahin mo yung pictures!"

"Okay." Iyon na lang ang nasabi niya habang dahan-dahan silang lumalayo sa tangway, pabalik sa mga tahimik na daan sa tabing-dagat tungo sa mga piazza pabalik sa mga makikipot na daan tungo sa kanilang hotel.

Pero ang totoo, kahit naman hindi na. 

Nasa isip na niya ang lahat ng kailangan niyang maalala. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...