Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagsusulat ng nobela

May punto noong bata pa ako na inisip kong kaya kong maging kahit ano mang naisin ko.

Lahat naman siguro ng bata ay ganun. Kapag natuto ka nang gumuhit, iguguhit mo ang sa palagay mo ay ang pinakamagandang landscape, ang larawan ng bukirin na may dalawang bundok sa malayo, may mga ulap at bahagyang nakatagong araw sa itaas, at ilang mga ibon na hugis M. Susubukan mo rin sigurong mag-sketch ng mga bagay-bagay, at bandang huli ay mga mukha na, na pinipilit mong gayahin mula sa larawan. Magsusulat ka rin ng tula, una muna'y haiku pagkatapos ay mga tanaga at mga awit (na baka inaawit mo pa ang bawat linya sa saliw ng Leron-Leron Sinta). Kapag mapangahas ka na, gagawa ka rin siguro ng freestyle, o kaya naman ay lalapatan ng musika ang mga kinatha mo.

Nasubukan kong gawin ang mga ito noon, pero bandang huli ay nalalaman ko rin naman na hindi ako bagay sa gayong mga sining. Pero may isang bagay na hindi ako sinukuan, at pangarap ko pa rin hanggang sa ngayon. Iyon ay ang paggawa ng isang nobela.

Sa palagay ko ay magaling akong magsinungaling magkuwento. Kung minsan, ang mga kuwentong naiisip ko ay talagang napapasaisip ko, anupat napapanaginipan ko ang mga iyon. Ang buhay ko mismo, sa wari, ay isang malaking dula na punung-puno ng mga plot twist, climax, at denouement.

Kaya naisip kong madali lang magsulat. Aba, ikuwento ko lang ang buong buhay ko, sa palagay ko ay makakabuo na ako ng isang makabuluhang nobela. O kaya naman, ilahad ko lang siguro ang mga panaginip ko, baka nakagawa na ako ng isang kuwentong mula sa kakaibang mundo.

Ilang beses ko na tuloy sinubukang magsimula. Nariyang ikuwento ang buhay pag-ibig noong haiskul. Nariyang ikuwento ang mga pighati noong kolehiyo. Nariyang ikuwento ang iniisip kong pananaw ng isang estudyante ko sa pagtuturo ko. Madali lang palang magsimula. Lahat-lahat, kung pagsasamahin ang mga burador ko, aabot na siguro ng higit sa dalawampung kabanata ang mabubuo.

Pero ang mahirap ay ang pagtatapos. Ang pagsusulat ng nobela ay gaya ng pagtakas sa isang naiibang mundo, isang mundo na binuo mo sa iyong utak. Ang problema sa mundong iyon, wala iyong adres. Gaya ng isang maliit na bahagi sa isang masukal na kakahuyan, mahirap tuntunin ang eksaktong lokasyon kapag umalis ka na.

Ang nangyayari tuloy, makakatapos ako ng ilang mga kabanata, bago ako bumalik sa tunay na mundo para gawin ang mga bagay na dapat talagang siyang ginagawa ko. Pagkatapos noon, hindi na ako makabalik sa pinanggalingan ko. Nariyang mapaiba na ang estilo ng pagsusulat. Nariyang maiba na nang tuluyan ang takbo ng istorya. Nariyang makalimutan na nang tuluyan ang mismong kuwento. Madalas, kapag nagpasiya akong ipagpatuloy ang pagsusulat, madidismaya lang ako kapag binasa ko ang kabuuan, anupat mapapatigil akong muli, para magsimula na naman ng panibago sa ibang pagkakataon.

Pero hanggang ngayon, kahit pa wala na akong panahon, pagkakataon, at kakayahan para muling makapagsulat gaya noon, inaasam ko pa ring makagawa ng isang nobela.

Kung tama ang pagkakaalala ko, ang nobela ay tinatawag ding kathambuhay sa Filipino. Pero hindi gaya ng literal na pagkatha ng buhay, ang kinakatha mo ay isang mundo. Isang grupo ng mga tao. Ang lahat ng kanilang damdamin, pangarap, at pagkabigo. Kontrolado mo ang kanilang nakaraan. Pinagagalaw mo sila sa kanilang kasalukuyan. At ikaw rin ang magdidikta ng kanilang kahihinatnan.

Para ka palang panginoon ng iyong nobela. Kaya siguro pangarap kong makagawa ng isa. Mabigat pala itong "responsibilidad" kung tutuusin. Kaya pala hindi pa ako makatapos. ●

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...