napaka-vivid ng eksena: nasa kalagitnaan ng isang research meeting si Tons, Earl at ako. ang lunan ay ang mga pasilidad ng Instru sa bagong NIP. hindi man nabanggit ay ipinahihiwatig na noo'y kalaliman na ng gabi, maaring nasa pagitan ng hatinggabi at madaling araw. walang anu-ano ay akmang aalis si Earl, iniiwan kami ni Tons na nasa gitna ng isang malalimang diskusyon. nailalarawan ko pa rin sa isip kung paano tumango at sumagot ng "Oo" si Tons sa mga paliwanag ko, para bang sa tunay na buhay. ang mga sumunod na pangyayari ay nagpapahiwatig na tungkol sa earthquakes ang pinag-uusapan namin. kaya pala umalis si Earl ay upang humanap ng reperensiya tungkol sa isang lindol na supposedly nangyari sa Roma noong sinaunang panahon, isang lindol na supposedly ay napakalakas. bigla na lang may lumapat na mga kamay sa aking balikat: si Erika. tinatawag niya ako, hinihiram ang susi sa isang locker na umano'y nasa aking pag-iingat, dahil dinidistrongka na raw ito ni Earl. ...