Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga larawang kuha sa pagdalaw sa subay



ang Subay ay isang baranggay sa bayan ng Cardona sa Rizal. ito ay nasa isla ng Talim sa gitna ng Laguna de Bay.

ang Talim ay isa lamang sa siyam na islang nasa gitna ng Laguna de Bay. ito ang pinakamalaki. ang pangalan ng isla ay hango sa kanyang hugis, na parang isang punyal. ang geography at geological features ng isla ay nagpapakilalang karugtong ito ng "mainland" Rizal, sa bahagi ng Binangonan.

ang Laguna de Bay naman ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas, at pangalawa sa pinakamalaki sa Timog Silangang Asya. bagaman ipinangalan ito sa lalawigan ng Laguna, ang baybayin nito ay pinagsasaluhan ng Rizal sa hilaga, Laguna sa silangan at timog, at Metro Manila sa kanluran. sabi nga ng mga tao na nakausap ko sa Subay, ang katumbas ng kotse ng Maynila sa Laguna de Bay ay ang mga bangka, na naghahatid sa kanila sa Binangonan, Cardona, San Pedro, o kahit sa Alabang. napaliligiran ito ng Sierra Madre sa hilaga-hilagang silangan, at ng mga kabundukan sa Southern Luzon, kasama na ang mga bundok ng Makiling at Banahaw. dito humuhugos ang lahat ng mga ilog mula sa mga kabundukang ito, at ang tanging lagusan nito ay sa Nagsuguiron Channel (hindi ko pa na-check kung tama spelling ko) na tumutuloy sa hugpungan nila ng ilog ng Marikina upang buuin ang ilog Pasig (na, by the way, hindi daw isang tunay na ilog sapagkat ang daloy nito ay depende sa lebel ng tubig ng Laguna de Bay at Manila Bay; ibang istorya naman ito). at ang ilog Pasig naman ang dumidilig sa Manila Bay.

ayon sa teorya ng NIGS, ang lawa umano ay maaaring dating bahagi ng Manila Bay. hindi pa umano matiyak kung nabuo ito sa paglubog o pagsabog ng isang bulkan, gaya ng Lawa ng Taal. pero ang mga nahukay sa sahig ng lawa ay mga labi ng mga species na nakakatulad ng sa look, kaya mas matibay ang paniniwala sa unang nabanggit na teorya.

bukod sa scientific literature, marami ring pagbanggit sa lugar na ito sa mga fictional works, pangunahin na mula kay Jose Rizal, himself from Laguna at di iilang ulit na namangka sa lawa. hindi ko alam kung totoo ang anecdote tungkol sa tsinelas na pareho nang ipinaanod ng bayani sa lawa. pero ang sa kanyang mga isinulat ay malinaw na makikita ang epekto sa kanya ng Laguna de Bay at ng Talim. sa kabanatang "Los Banos" ng kanyang El Filibusterismo ay napakaganda ng paglalarawan niya sa takipsilim sa Talim.

The
open
balcony
admitted the
 fresh, pure breeze
and revealed the lake,
whose waters murmured
sweetly around the
base of the edifice, as if
rendering homage. On the right,
at a distance, appeared Talim
Island, a deep blue in
the midst of the lake, while
almost in front lay the
green and deserted
islet of Kalamba, in the shape
of a half-moon. To the left the
picturesque shores were fringed
with clumps of bamboo, then a
 hill overlooking the lake,
with wide ricefields beyond, then red roofs
amid the deep green of the trees,--the town
of Kalamba,--and beyond the shoreline fading
into the distance, with
the horizon at the back
closing down over the water,
giving the lake the
appearance of a sea and
justifying the name
the Indians give
it of "dagat
na tabang",
or fresh-
water
sea.
- Chapter XI Los Banos, El Filibusterismo, J. Rizal (translated by C. Derbyshire)

hindi ako mas magaling maglarawan kesa kay Rizal (actually hindi ako kasing galing man lang ni Rizal). kaya inayos ko na lang ang text na kahugis ng Talim island. at daanin ko na lang sa mga larawan. mga kuha mula sa pagbisita ko sa Subay noong Linggo.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...