Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga supporting actors sa mga koreanovela

nagsimula yan kay Martin. tapos si Nico. at nitong huli, si Troy.






habang nakikinig sa "Wag na Wag Mong Sasabihin" ni Kitchie, naalala ko ang telenobela sa channel 2 na inabangan ko dati, ang "Lovers in Paris." para tuloy gusto kong manood, sayang nga lang kasi Sabado, walang Primetime Bida. nagmuni-muni na lang ako.

pare-pareho lang ang kwento ng mga Koreanovela na kinahiligan ko. isang strong-willed na babae ang makakabangga ng isang lalaking napakalayo ng kalagayan sa kanya. mahuhulog ang babae sa lalake, at bandang huli ay magiging sila, mabubuhay happily ever after. nagsimula yan sa "Lovers in Paris" na istorya ni Vivian at Carlo, tapos yung "My Girl" ni Jasmine at Julian, at si Janelle at Gian ngayon sa "Princess Hours." halos ganun din ang istorya ng "Only You" although hindi ko masyado napanood yun. aaminin ko, naadik ako sa panonood ng mga ito dati (bumili pa ako ng DVD ng iba sa mga ito), at kahit pa paulit-ulit lang ang kwento, hindi ko mapalampas ang bawat isang episode.






pero bukod sa mga pangunahing tauhan at daloy ng kwento, meron pang pagkakatulad ang mga telenobelang ito. ang mga supporting actors: gaya nga ng nabanggit sa simula, sina Martin, Nico, at Troy. iba't-iba ang pwedeng maging interpretasyon sa mga karakter nila: pwedeng kontrabida, pwedeng martir.

related sila sa bidang lalake: "pamangkin" ni Carlo si Martin, kaibigan ni Nico si Julian, at pinsan ni Gian si Troy. pareho silang na-link sa bidang babae independently, at bandang huli na lang nalalaman ang relationship nila ng bidang lalaki; halimbawa, si Troy ay naging classmate muna ni Janelle bago nagkaalaman na pinsan siya ni Gian. lahat sila ay nagiging takbuhan ng bidang babae kapag nagkakaproblema sila ng bidang lalaki. sila ang iniiyakan, sila ang nakikinig. sila ang nagtuturo sa bidang babae na maging malaya at maligaya. pero sa bandang huli, hindi sila ang pipiliin ng babae. for a time, magiging masama sila, may period na gagawa sila ng mga paraan para mapanalunan ang pag-ibig ng babae. pero mabibigo siya, at sa bandang huli, magpaparaya.

maraming manonood ang nagco-comment na sana daw pinagpalit na lang ang gumanap sa mga karakter ng bida at (ano ba sa Tagalog ang supporting actor, "atribida"?) sila. siguro, sinasadya talaga na gawing mas may dating ang mga karakter nina Martin, Nico at Troy. idiniriin talaga ng daloy ng kwento na sila ang mas magaling, mas malaya, mas matalino, mas mayaman, mas mabait kesa sa bida. ie-exaggerate ang pagkakaiba nila, at ipakikita na mas makatuwiran ang mga supporting actors kesa sa bida. minsan, ipapakita pa kung paano babaguhin ng supporting actor ang kanyang personalidad, kung paano niya itutuwid ang mga mali sa buhay niya, para lamang sa bidang babae. pero walang epekto. siguro, gusto lang ipahatid ng palabas kung gaano kabulag ang pag-ibig. kung paano, sa kabila ng ating mga pagsisikap, may mga bagay na gaano man natin pagsumikapan ay hindi mapapasa-atin.





madalas nating i-associate ang sarili natin sa mga bida. kapag tumatamis na ang mga tagpo ay nakakalimutan natin ang mga nasa background na tauhan. kung baga sa ulam, sila'y nagiging rekado na panimpla sa pangunahing sahog. totoo ito, hindi lang sa mga Koreanovela, kundi sa lahat ng serye o pelikula. at kung minsan, maging sa buhay.

mag-isip tayo sandali: mahalaga ang papel ng mga papel na ito sa harap ng TV, pero mapait ito sa tunay na buhay. lahat naman ng tao ay maghahangad na maging bida sa totoong buhay. pero ang masaklap, hindi lahat ay maaaring maging gayon. at ang mas masakit pa, di tulad ng Koreanovela na may 24 episodes, ang buhay ay may 24 oras araw-araw at tinatapos lamang ng kamatayan. in other words, walang katapusan ang pasakit.

higit na marami ang bumabagsak sa papel ni Martin, Nico at Troy sa malaking pinilakang tabing na ito na tinatawag na buhay. marami ang nagpapakahusay sa "pagganap" pero nae-etsa puwera sa pangunahing larawan, nagpapakabuti subalit nababalewala kaya nagpaparaya. nakaka-realize na ang kaligayahan ng iba ay makakamit tangi lamang sa kanyang pasakit.





gaya ko noon...





luckily, i got my own break. ako na ngayon ang bida. sana nama'y walang naging Martin, Nico o Troy sa aking istorya.






P.S. Na-realize ko lang din, dapat pala yung "Wag na Wag Mong Sasabihin" kanta ni Martin para kay Vivian. :)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...