Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa Julio at Julia at kay panget

natanaw ko siya mula sa malayo. sinalubong siya ng pasigaw kong: "Panget!"

malayo siya mula sa pagiging panget. sa katunayan, isa siya sa pinakamaganda sa batch o baka sa buong department. lalo pa ngayon na bihis na bihis siya para sa formal report ng mga bata. ang pink stripes ng damit niya ay sumasabay sa alon ng kanyang hugis, na itinatago ng bitbit niyang aklat.

nang lapitan ko siya ay sumunod ang isang serye ng asaran na animo'y walang katapusan. tatawa lang kami ng tatawa hanggang sa mamalayang tumatakbo na nang mabilis ang oras at na kailangan nang maghiwalay.

pero sa likod ng mga tawa ay ang mapait na mga katotohanan at mga karanasan. mga masasakit na alaala ng kahapon na pinipilit itago. sa kaso ko, matagal na ang mga iyon, isa nang malayong nagdaan na di na tinatanaw; pero ang sa kanya, kelan pa lang. tiyak na sumusugat pa rin iyon tuwing mapapasagi sa alaala.

nang mapag-usapan namin minsan ang pagkakatulad ng mga hibla ng aming nakaraan, hindi namin mapigilan ang manggilalas.

nasabi pa nga niya na baka raw kambal kami. isang pagiging kambal na hindi dulot ng dugo at laman kundi ng pagkakataon at tadhana. para bang Julio at Julia sa isang cartoon noon sa channel 2. naawa tuloy ako sa kanya. baka dahil sa pagiging "kambal" namin kaya niya dinaranas ang mga ito. nauna lang yung sa akin at na-delay lang nang kaunti ang sa kanya. pero kung sakali man, sana ma-delay lang din ang tunay na ligaya na karapat-dapat sa kanya. tulad ng tinatamasa ko ngayon.

hindi ko na inihatid si panget. mahuhuli na kasi ako. tiyak namang magkukrus pa ring muli ang aming mga landas. sometime, somewhere in the future.

para saan pa ang pagiging Julio at Julia namin...

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...