Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga kainan, kulitan at laitan sa Mang Jimmy's

ang 242 exam ang pinakakinatatakutan ng lahat. sa paghahanda para dito ay daig mo pa ang sasabak sa giyera. handang-handa man, inaasahan pa rin ng karamihan ang isang "madugong" katapusan. dito nabuo ang ideya ng Mang Jimmy's dinner.

apat kami, pero hindi kami marami.

sapat na ang apat para libutin ang kalawakan at maglakbay sa panahunan. eksakto na itong bilang upang tulayin ang malalawak na bangin ng mga kwentong malayuan. sa katunayan, kung may kulang sa amin noong gabing iyon ay baka mawala na ang balanse.

apat lang kami, at hindi kami kaunti.

nariyan ang maton, ang machong handang magtanggol - na nagkataong isang babae. nariyan ang malulupit na payo at mga pahaging na tanong ng ermitanyo. nariyan ang inosenteng anghel na tinutubuan na ng sungay. at ang cool na napapagkamalang bading pero pinaiiyak ng babae. akalain mong ipaghalo sa isang kawa ang grupong ito, na bagamat apat lamang ay bumubuo ng isang CSCO (complete set of commuting operators; oops, bakit may nasingit na 242 dito?). daig pa nito ang buong mundo sa bisa kung tutuusin. kung sabagay, aanhin mo ang pagkarami-raming kakilala kung ang talagang kailangan mo naman ay tatlo lamang na kaibigan?

at doon, sa ilalim ng tumutulong bubong ng Mang Jimmy's ay kinain na namin ang lahat ng masarap na tapa at pusit. kinulit na namin ang isa't isa tungkol sa lahat ng intriga. at nilait na namin ang mga "diyos" ng buong sansinukob.

sa gitna ng nakabibinging ingay at matuling lakad ng mundo, masarap isipin na may mga handang makinig at sumabay.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...