Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga bagay na nasasabi kapag wala nang masabi

matagal na pala akong hindi nakakapag-paskil ng anuman dito.

ang lakas ng loob kong awayin si Mikki tungkol sa estado ng Multiply site niya, e ako nga ni walang pagbabago sa itsura man lang ng account. mapanira pa ang huli kong ginawa: nag-delete ng dalawang albums ng Eheads na sabi ni Cats ay hindi ko na-upload nang tama.

abala kasi. sobra.

sa daan-daang mga pahina ng papel na tinatanggap ko linggu-linggo bilang guro, hindi na ako makahanap ng panahon para umupo at magkuwento, sa halip ay lagi na lang akong nakatungo at nagtutuwid. bukod pa sa ako mismo ay isang estudyante, nila-Lagrangian ang kung anu-anong nag-a-accelerate na pendulum. pagdating naman sa research, paulit-ulit na animo'y isang LSS sa isipan ko ang mga salitang "We demonstrate using theory and experiment..." at "In conclusion we have reported a robust model of..." Lalo pa't SPP time.

o baka naman hindi.

kung minsan ang pagiging "abala" ay ang pinakamadaling lusot ng mga taong ayaw lang gumawa ng iba pa. gasino ba naman ang ilang sandali ng 24 oras upang magpahingalay at maglaro ng keyboard para sa ilang mga salita. gasino na lang ang maglahad ng tungkol sa mga estudyante kong cute at nagpapacute; guro at classmates na kwela't walang kwenta; at mga research na astig. ang ituring na ang pagsusulat sa blog ay isang pahinga, isang release. pero wala; mas gusto ko pang tumambay kay Manang Owl kasama si Tons at Erika at mag-usap tungkol sa SOC. o mag-Greenwich kasama si Grace at manalangin nang pasasalamat para sa pizza.

siguro wala lang talaga akong maisulat.

na "malalim". na "may sense". marami namang kaganapan, pero walang anumang makabuluhan. araw-araw ay may pasabog, mga  eksklusibo, mga kontrobersiyal, mga da who (o da what o da why o da how). pero hindi ko mahuli. hindi ko maproseso nang maganda. lahat ng interesanteng paksa ay wari bang dumaraan nang napakabilis, sa isang kisapmata'y lipad sa hangin ang istorya at imahinasyon.

kung sabagay.

sa dami ng mga salitang nababasa at naririnig, ang pinakamahalaga ay ang mga kaisipang mula sa pinakakaibuturan. kung minsan ang pinakamahalagang mga sinabi ay ang mga nasasabi kapag wala nang masabi.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...