Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga sulat

"mapapatawad mo ba ako
o sadyang makakalimutan
ang mga sulat ko sa 'yo..."
Sulat, Moonstar88

dumating ang di-inaasahan isang hapon nang buksan nya ang nakatuping piraso ng papel mula sa kanyang drawer. isang araw na itong nasa kanya, hindi nga lang niya binuksan alinman dahil sa pagka-abala o sadyang pagwawalang-bahala. inakala pa niyang pera ang laman ng nakatiklop na papel. subalit nagkamali siya.

isang maliit na sulat ang bumulaga sa kanya. isang sulat na nilayong humingi ng tawad. sa mga bagay na sinadya at pinagplanuhan. mga bagay na hindi bunga ng pagkabigla o maliit na maling desisyon.

"wag kang magalit sa kanya..." ang mga linyang ito'y parang tabak na itinutusok sa kanyang puso. paano mo mapapatawad ang taksil mong kasintahan na ipinagpalit ka sa taksil mong kaibigan?




wala ako sa gitna ng madramang tagpong iyon. pauwi ako dahil sa iniindang lagnat at sakit ng ulo. tinawagan na lang ako ng isang mapagmalasakit na kaibigan para ibalita ang nangyari. at ilarawan kung gaano karaming luha ang pumatak sa kanyang mga mata.


nag-alala ako, at nakonsensya. wala ako sa tabi ng isang malapit na kaibigan sa gayong mga oras. subalit hindi mo naman mawawari ang panahon at pagkakataon. tiyak na wala ring mabuting maidudulot ang pagkanaroroon ko, kapag nagkataon; sa halip na mag-alaga ay baka ako pa ang maging alagain.

sa sobrang pag-iisip ay nakabisado ko na ang aking litanya. alam ko na ang salita-por-salita na pahayag ko kapag nagkaharap kami. subalit mahirap pa ring sumablay sa ganitong pagkakataon. kaya, naisipan kong isulat na rin lamang ang mga nais kong sabihin. sa ganitong paraan ay makatitiyak akong tama, kompleto, at lohikal ang mga mensaheng nais kong iparating.

subalit sa paghaharap namin ng papel ay hindi ko maitulak ang pluma. sa wari ay napakabilis kong nakalimutan ang lahat-lahat ng nais kong ipabatid...

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...