Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga kuwentong sunken garden

totoo bang lumulubog daw ang sunken garden ng UP ng ilang sentimetro taun-taon?

kahit pa anim na taon na akong pumapasok sa UP sa pamamagitan ng "backdoor entrance" nito, alalaong baga'y ang kalyeng Katipunan, at sa gayo'y araw-araw na nakamamasid sa higanteng "football field" na ito, hindi ko pa rin tiyak ang tunay na kuwento sa likod nito. ang pinakamalala na yatang bersiyon na narinig ko ay na hinukay raw umano ang bahaging ito ng campus. sabi naman ng isa pang kuwento, ang tunay na direksiyon ng paggalaw ng Garden, di tulad ng pala-palagay, ay paahon at hindi palubog.

kung may piksiyunal ay meron din namang semi-historikal sa mga nasasagap kong kwentong Sunken. isa sa mga naging unang guro ko sa UP ang nagsabi noon na ang batch nila ang nagtanim ng mga puno sa paligid ng "hardin." sila ang nagbaon umano ng mga binhi ng acacia na mayabong na ngayong nakatindig sa gilid ng daan. ayon pa sa kanya, marami raw silang itinanim na puno ng niyog sa Sunken, subalit dahil sa babaw ng kapit ng ugat ay nagkatumbahan na rin ang mga ito, hanggang sa may isa na lamang matira, ang niyog na noo'y nakatayo sa harap ng bulwagang Benitez. ito'y naabutan ko, at, gaya ng iba pa sa buong Sunken, ito rin daw ay may lihim. noon daw ay nagkaroon ng kasunduan ng kapayapaan ang dalawang frat; at bilang tanda ay ginamit nila ang nag-iisa noong niyog, anupat sinuman umanong puputol sa niyog ay magpapasimula ng away. subalit dumaan si bagyong Milenyo at ibinuwal ang umano'y piping saksi ng kapayapaan; mabuti na lang at wala naman akong nabalitaang rumble na sumunod.

naipaayos na ang grandstand. at bagamat hindi na lahat ng freshie ay nakikibahagi sa parade of sponsors ay hindi naman nawawala ang UP Fair, kung saan ito nagagamit. ewan ko kung hitik din ito sa kwento; palagay ko ay hindi. tulad din ng beach house sa kabilang ibayo, na hindi ko pa rin malaman ang dahilan ng pangalan at kung ano ang kinalaman sa barbeque.






subalit sa dami ng kuwentong nakapaligid sa sunken garden ay iilan lamang ang aking pinaniniwalaan at inuulit-ulit sa isipan. mga kwentong isa ako sa kumatha. mga kwentong hindi binuo ng panulat kundi ng kamay; mga istoryang isinalin, hindi ng wika, kundi ng bibig; mga alamat na hindi kathang-isip, kundi puso.

istorya iyon ng pagdungaw ng mga tala mula sa mabagal na usad ng ulap. mga akdang inihulma ng dilim at lamig ng gabi. mga pangarap at plano sa hinaharap na isinasakatuparan ngayon sa utak. kakatwa, pero sa lahat ng kwento tungkol sa nagdaan at kasalukuyan ng sunken, mas madali pang paniwalaan ang mga panghinaharap na kwentong ito.






inaantok ang sunken sa umaga, at sa hapon na ito muling nagigising. pero ang gabi ay iba, ang gabi ay espesyal. sa gabi, ito'y nananaginip...

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...