Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa weird na mga panaginip

napaka-vivid ng eksena: nasa kalagitnaan ng isang research meeting si Tons, Earl at ako. ang lunan ay ang mga pasilidad ng Instru sa bagong NIP. hindi man nabanggit ay ipinahihiwatig na noo'y kalaliman na ng gabi, maaring nasa pagitan ng hatinggabi at madaling araw.

walang anu-ano ay akmang aalis si Earl, iniiwan kami ni Tons na nasa gitna ng isang malalimang diskusyon. nailalarawan ko pa rin sa isip kung paano tumango at sumagot ng "Oo" si Tons sa mga paliwanag ko, para bang sa tunay na buhay. ang mga sumunod na pangyayari ay nagpapahiwatig na tungkol sa earthquakes ang pinag-uusapan namin.

kaya pala umalis si Earl ay upang humanap ng reperensiya tungkol sa isang lindol na supposedly nangyari sa Roma noong sinaunang panahon, isang lindol na supposedly ay napakalakas. bigla na lang may lumapat na mga kamay sa aking balikat: si Erika. tinatawag niya ako, hinihiram ang susi sa isang locker na umano'y nasa aking pag-iingat, dahil dinidistrongka na raw ito ni Earl.

iniwan ko si Tons sa RM table sa R401 at tumungo sa staff area kasama si Erika. ang locker pala na pinipilit buksan ni Earl ay nasa isang biga ng bagong NIP, nasa gitna ng mga salaming pader. nang lumapit kami ni Erika ay natanaw namin ang isang grupo ng mga high school students sa baba, naka-uniform pa at nakatambay. ang lugar na ngayo'y tinatambakan sa kahabaan ng C.P.Garcia sa panaginip ko'y isang kalsada. sa pagkakita sa amin ay nahiya sila at naghanap ng pagtataguan.

"When's the next flight?" sigaw ni Ekkay mula sa binuksan niyang bintana. sa bungang-tulog na iyon ay waring hindi naman napakataas ng Instru, kaya nakakausap pa ang mga nasa ibaba. sumagot sila: "Ano?" "When's the next flight?" pag-ulit ni Erika.

mula sa likuran ko ay narinig ko naman si Jacq. nagsesermon siya tungkol sa mga kabataang iyon. nang tanawin ko siya mula sa aking kaliwa, nakaupo siya malapit sa mesa ni Sir Chris, inis na inis sa mga batang iyon. "Hatinggabi na nasa kalsada pa!"

samantala, hindi na kinailangan ni Earl ang tulong ko at bago ko pa mailabas ang susi ay bumukas na ang kandado. nakatago pala sa locker ang di-mabilang na mga print-out ng mga articles mula sa mga journal. sa kapal ng tambak na iyon ay agad niyang nakita ang hinahanap kasabay ng isang "Aha!"

lumakad siya palayo, masayang binabasa ang kanyang tuklas. nang tingnan ko siya sa aking kanan ay nakita kong naroon din si Marko, naghahanap din ng kung ano.

"Ano yan?" ani Earl.

"Pang-research," tugon ni Marko.

tumayo ako at lumakad palayo sa locker. may kotse na nasa gitna ng silid (parang showroom) at pasakay doon si Jacq, hindi na mukhang galit at nakikipagtawanan na kay Erika. samantala, sa likuran ng kotse ay may dyaryong nakalapag, parang Collegian ang laki. Nang basahin ko ang mga salitang nakaprint sa malaking titik:

"Walang ibang makaaalam nang tungkol sa lindol na naganap sa Roma noong XXX2 (nakalimutan ko ang taon) kundi ang mga nakaranas nito. Hindi natin alam kung ang mga ulat sa kasaysayan ay totoo, o kung nagbabasa lang tayo ng isang kwento."






nagising ako at agad na sinilip ang cellphone sa tabi: 4:13 am, 8/16/2007.







namalayan ko na lamang ang aking sarili na nakahiga sa sofa sa sala namin. may kung anong nakakairita sa pakiramdam ko, kaya bumangon ako at naglakad patungo sa kusina, kung saan naroon si Mama. pagsilip sa bintana ay natanaw kong mapula ang araw sa gitna ng madilim na langit. animo'y sinapian, hinawakan ako ni Mama sa leeg at inangat, sabay bigkas ng isang wari bang propesiya. nang bumalik siya sa "katinuan" at bitawan ako, agad na pumasok sa isip ko: katapusan na! dali-dali akong tumakbo upang buksan ang pinto sa likod ng bahay, minamasdan ang isa-isang pagbagsak ng mga bolang apoy mula sa araw na dugo.







whew. buti na lang at nagising muli ako. ang dami ko pa palang dapat gawin. ang dami ko pa palang gustong gawin.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...