tungkol sa NIP graduation ceremony

paulit-ulit kong ibinubulong sa sarili: "the worst is yet to come. you aint seen nothing yet."

alas-diyes na ng umaga nang dumating ang text ni ekkay. magdala daw ako ng barbeque. iyon daw ang nakatakda para sa akin na dalhin mamayang ala-una ng hapon.

doon ko naalala: graduation ceremony pala ng NIP ngayon.




ang pagpapakain ng mga magtatapos sa graduation ng NIP ay isang tradisyon na matatawag na "paggigisa sa sariling mantika." sa pagkakaintindi ko, dumarating ang mga tao upang ipagpugay ang maluwalhating pagtatapos ng isang tao. pero ang nangyayari sa NIP graduation, ang mga magtatapos ang nagkakandakumahog sa pag-aasikaso at paghahanda upang ang mga darating ay magkaroon ng isang komportableng pananatili. para bang baliktad.

sa kaso ko, ang paghahanda ng #?! barbeque ay nagpangyaring bumalikwas ako mula sa kama at agad na maligo at magbihis. tinungo ko ang suki ni sir chris sa hardin ng bougainvilla para magpahanda ng 50 pirasong barbeque. 550 pesos ang damage, at wala pa noon si issa na dapat sana'y kahati ko. dahil dumating ako ng alas-onse, at sinabi nilang may sapat pang panahon para kunin ko ang order sa bandang ala-una.

walang kain-kain, tinungo ko naman ang shopping center para bumili ng mga kakailanganin para ayusin ang sarili. hello, graduation kaya ang pupuntahan ko kaya dapat na maayos man lang ang itsura. bumili ako ng panlinis sa mukha at pabango para magmukhang presentable para sa dumarating na seremonya. nang mapadaan sa maroons ay bumili ng payong, "mahirap na," ang sabi pa sa sarili.




pagsakay ko sa ikot nagsimula ang kalbaryo.


nagsungit ang panahon. galit na galit pa nga. inulan nang todo-todo ang bubong ng ikot, at nang hindi na niya ito kayanin, ay tumulo ang maputik na patak -- saan pa -- sa pantalon ko.

nananalangin akong matigil na sana ang delubyo, subalit may ibang plano ang langit at lalo pang bumuhos ang luha nito. pagbaba sa hardin ng bougainvilla ay gamit na gamit ang bagong payong, agad na nasubok ang katatagan sa gitna ng dumadaluyong na bagyo.

matapos maghintay ng mga limang minuto, umaasa akong may daraan man lang na jeep o kahit traysikel. mas madalang kasi ang taxi. ayaw ko naman (sana) na maglakad sa gitna ng ulan. pero wala ni anuman. nakailang ikot na ang bumubusina sa akin, para bang pinipilit akong pabayaan na lang ang order ko. pero hindi. kailangan itong maihatid. ala-una...

nilakad ko ang buong kahabaan ng daan papasok sa hardin. nakailang talsik mula sa mga kotse ang aking pantalon. at nakailang tapak sa lawa-lawaan ang aking sapatos. ubos ang epekto ng facial wash sa pagpapawis ng mukha, at nawalan ng bisa ang pabango dahil sa pawis sa katawan.

sa tapat ng pinto ng row houses, humina ang ulan, para bang kuntento na sa pambabasa at pagpapadumi sa akin.

at may dumaang jeep na papasok.






"the worst is yet to come."

pagbungad ko sa pinto ng aking pagkukunan, ni hindi pa nadadarang sa init ang barbeque ko!

itinutusok pa nga ang ilan. katwiran ng tagapagluto, nagdeliver daw muna siya. kaya naman daw -- 15 minuto -- at hindi naman daw ako dapat magmadali. ala-una singko na noon.

pero dahil sa 550 pisong ipinuhunan ko para dito, hinintay ko na ang "15 minutes." ang "15 minutes" ay naging 20... 30...





akala ko naman ay sinagot na ang panalangin ko.

dalawang taxi ang naghatid ng pasahero sa loob ng housing. inabangan ko na ang isa, yamang nakuha na ang isa (ni ma'am sher). pero sa pagbuwelta niya ay dali-dali siyang kumaripas, animo'y walang nakikita.

"tsk," sabi ng tagapagluto. "sayang. kakain siguro."






kaya naglakad na lang ako papunta sa new building. lakad sa harap ng balay chanselor. tawid. lakad sa maputik na daan sa tapat ng math building.

pagdating sa gate ng math building, iniisip ko nang pumasok, pero maputik ang daanan doon dahil may ginagawang bagong building, kaya ipinasiya kong sa labas pa rin maglakad sa gilid ng c.p. garcia, sa harap ng math at asti. siguro'y bukas naman ang gate sa gilid. SANA.











tama ang hula mo. hindi.

kaya nilakad ko pa paikot patungo sa main gate para makapasok sa NIP.




pagdating ko ay nagdarasal pa lang. simula pa lang ng programa! inilapag ko ang barbeque sa isa sa mga upuan sa atrium at yumuko para sa panalangin. para magpasalamat na hindi pa nawawala ang pasensya ko. para humiling na matapos na ang lahat ng mga masasamang bagay na nagkataon namang dumating nang sunud-sunod sa araw na ako'y pararangalan bilang isa sa mga nagtapos sa NIP.

ayun. muntik pa akong matuluan ng katas ng barbeque.












congratulations to all graduates of NIP from summer of 2007 to the second semester of 2008.

the worst is yet to come. you aint seen nothing yet.

Mga Komento

  1. Wah! Crazy day. I'm so sorry about that. :( You forgot pa la. haha. :)
    malas talaga.

    TumugonBurahin
  2. totoo nga pala.. a very bad day ung friday.. sorry.. at least, tapos na :)

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Kilalang Mga Post