tungkol sa age of empires sa figaro

loser ako, age of empires ang paborito kong laruin. ancient cities ang labanan, kasing ancient na rin ng laro. sa panahong ito ng mabilis na daloy ng pagbabago sa teknolohiya, pinili kong huminto sa pagpapatangay at kumapit sa age of empires.

ilang taon ko na rin itong nilalaro pero hindi ko pa rin pinag-aaralan ang cheats. loser.

pirata pa yung kopya ko ng software. tsk... such a loser talaga.






matagal ring naimbak sa desktop ko sa bahay ang daan-daang saved games ko, mga feel-good na laro kung saan isang palaso na lang ang tatapos sa hari ng kalaban. mas nagagamit ko ang c++ at latex nitong nakaraan. pero ngayong bakasyon, at wala pa namang pinagagawa si sir chris, nabalikan ko sila isa-isa, dinuduro pa ang computer sa bawat panalo.





at nang magkita kami ni steph sa emerald noong martes, tumambay ako sa figaro at nagsimula na naman ng isang laro. hardest. turks ang tao ko, at briton ang computer. nagsimula sa pinakamababang sibilisasyon.

nakasaksak sa mga butas ng tainga ko ang earphones kaya hindi ko namamalayan ang ingay sa paligid. pawang "efendem!" at "mardenji!" lang ang naririnig ko, mula sa mga tauhan ko sa laro.

hindi ko naririnig kung gaano kalakas ang panghihinayang ko sa tuwing mauubos ang isang batalyon ng mga tauhan ko sa isang enkuwentro. hindi ko naririnig ang mabilis na lagitik ng mouse sa pagtatayong-muli ng napakarami kong farms. hindi ko naririnig ang tikada ng keyboard sa mga shortcuts ko sa paggawa ng stone wall at house.

hindi ko na nalalasahan ang iced capuccino sa pagnanais na malasap ang matamis na tagumpay.

at hindi ko namalayan na nasa likod ko na ang mga empleyado ng kapihan, nanonood, nakikigulo, nagbibigay ng opinyon, at natutuwa sa bawat malagpasan kong labanan.

hehe...






mas masaya sana ang mundo kung nagkalat lang sa paligid ang mga ginto at resources, dadamputin mo na lang with minimum effort. at ang tirahan mo ay isang napakagandang kastilyo na umusbong na lamang sa sarili niya at hindi itinayo. parang sa age of empires.

but then again, mas malungkot naman ang mundo kung ang paggawa ng tao ay iiwan na lang sa pangangasiwa ng isang bahay, mala-factory na town center, na sa isang iglap ay naglalabas na lang ng adultong lalaki o babae. hehehe... marami sigurong magrereklamo.






mas masaya sana kung ang gagawin mo na lang sa buhay ay umupo maghapon at maglaro ng age of empires maghapon habang sumisipsip ng kape...

Mga Komento

Kilalang Mga Post