Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa 2018

tungkol sa mga yugto ng panahon

Nararanasan natin ito lagi.  Kung kailan kailangan mo ng panahon -- halimbawa, kung naghahapit ka o may hinahabol -- saka naman tumatakbo nang mabilis ang oras. Kapag nababagot ka naman -- halimbawa, sa paghihintay -- saka naman tila hindi gumagalaw ang orasan.  Ipinapakita lang ng gayong mga karanasan na bagamat hindi naman talaga bumibilis o bumabagal ang takbo ng oras, ang pananaw natin dito ang nagbabago batay sa ating personal na mga nadarama sa panahong iyon.  Ang mga yugto ng panahon ang siya ngayong nagiging batayan natin sa pagiging mabilis o mabagal ng isang bagay. Sa pananaw ng isang langaw na ang buong buhay ay tumatagal lamang ng ilang mga araw, ang buhay ng tao ay waring napakatagal, baka nakababagot pa nga. Pero kung ang pagbabatayan naman ay ang mga bundok o kapatagan na libu-libong taon ang binibilang bago magkaroon ng kapansin-pansing pagbabago, ang mga tao ay mabilis na lumilipas, na animoy isang time-lapse video sa kanilang paningin. ...

tungkol sa nag-iisang Mars

Nagpunta kami kanina sa isang convenience store. Nagrequest kasi ng chocolate ang maliit kong dalaga, kaya hindi ko mahindian. May mga craving din naman kaming mag-asawa.  Ang waring napaka-trivial na tagpong iyon - isang mag-anak na sige sa pagdampot ng mga chichirya at kendi sa mga estante - ay biglang naging makahulugan para sa akin nang magtungo na kami sa kaha para magbayad.  Nandoon iyon, sa mga maliliit na lalagyanan sa tapat ng pila. Halos matabunan na ng ibang mga produkto ang nag-iisang bar ng Mars.  Ibinalik ako nito lampas kalahating dekada ang nakakaraan. Mag-isa sa malamig na Alemanya, ibinubuhos ko ang panahon ko sa paglalakbay sa iba't-ibang destinasyon, malapit man o malayo sa tahanan ko noon sa lunsod ng Dresden. Sa bawat paglalakbay na iyon, hindi na ako nagdadala ng maraming mga bitbitin. Tanging ang sarili ko lamang, at ang ilang mga pangunahing pangangailangan. Dahil sa maliit na bag na dala, pagiging biglaan ng mga lakad, at, mi...

tungkol sa pagiging di-tiyak ng petsa ng kamatayan

May mga bagay na napipili ang petsa at naipaplano. Halos lahat ng mga gawain sa bahay at sa trabaho ay pwede naman talagang ilista, idokumento, at lagyan ng panahon kung kailan dapat gawin at tapusin. Ang totoo, dahil napakaabala ng mundo, madalas na hindi lang pwede kundi kailangan  ang angkop na pagsasaayos at pagpaplano.  Pero hindi lahat ng bagay ay gayon. Ang kamatayan, halimbawa, ay hindi naitatakda bagamat maaaring sumapit sa isa sa anumang panahon. Ang isang tao ay hindi gaya ng pakete ng pagkain, anupat hindi ipinanganganak na may nakamarkang "Expiration Date" sa talampakan. Kahit pa may paniniwala ang iba [ako mismo ay hindi naniniwala rito] na may "oras" ang bawat isa, at "kung oras mo na, oras mo na," hindi pa rin nila alam kung kailan ito eksaktong darating. Dahil diyan, ang kamatayan ay hindi mapaghahandaan. Ang pagkamatay ng isang tao ay mapait para sa mga maiiwanan niya, kahit pa nga doon sa mga kaso ng mga terminally ill  at tala...

tungkol sa tahimik na pagbabantay

“Okay ka na?” Ako na lang ang nagsalita dahil kanina ka pa tahimik. Damang-dama ko ang kaba sa dibdib mo, kahit pa hindi ka nagsasalita. “Wag na lang kaya?” Natatawa ka man, parang nangingilid na ang luha sa mata mo.  Tumawa na lang din ako.  “Hindi, uy.” At, bagamat ilang ulit mo na itong narinig, idinagdag ko:  “Kaya mo yan!”  Bantulot, tumayo ka na, nagbihis ng isang pilit na ngiti, at tumango. Ngumiti ako at nauna nang maglakad patungo sa naghihintay na kotse sa ibaba.  Pagdating natin doon, bagong hamon ang naghihintay. Paparoon ka sa gitna ng isang dagat ng mga estranghero, na may mga mapanlinlang na ngiti at mga titig na waring manlalamon. Tumatanaw sa labas mula sa bukas na bintana ng kotse, muli kang napabuntong-hininga.  “Totoo ba?!”  Hinagod ko ang balikat mo, para maibsan kahit kaunti ang pagkabahala mo.  “Ito na yun!” At, bagamat ilang ulit mo na itong narinig, idinagdag ko:  “Kaya mo yan!”  Bumaba ka na ...

tungkol sa biglang pagkawala

Minsan, may mga nakikita tayong indikasyon na posibleng hindi na maging maganda ang kalalabasan kapag ipinagpatuloy pa natin ang pakikipag-ugnayan natin sa isang tao.  Madalas na ang nakikita natin ay ang posibleng negatibong epekto sa kanya  ng patuloy na pananatili natin sa buhay niya.  Baka naiisip natin na hindi tayo karapat-dapat sa kanya. O ang pananatili natin ay magdudulot ng pighati at pasakit sa kanya. O na baka mapagod siya, baka mapuno na lang din siya sa bandang huli.  Kaya kung minsan, bigla na lang tayong nawawala. Iniisip natin na ito ang pinakamabuti sa kaugnayan natin sa kanya. Iniisip natin na ito ang pinakamabuti  sa kanya .  Pero ang totoo, mali ito.  Pagdating sa ganitong mga bagay, dapat nating tandaan na ang taong iyon ay – pag-uulit bilang pagdiriin – isang tao , na may kakayahang mag-isip at magpasiya. Ang pag-iisip na ang biglang pagkawala ang pinakamabuting gawin para sa kanya , ay mag-aalis ...

tungkol sa ganda ng ulan

Kung kailan maulan, saka naman kami namalengke. Habang ang mga tao ay nagpapahinga sa bahay at sinasamantala ang malamig na panahon, kami naman ay sumusuong sa daluyong at buhos ng tubig. At sa Marikina pa talaga. Sa lambak na isa sa pinakakritikal na bahain dahil sa ilog nito. Gaya ng inaasahan, maluwag ang daloy ng trapiko, at halos puro malalaking truck ang sinasabayan ng maliit naming Wigo. Wala pa namang malalim na baha, pero todo kayod ang mga wiper ko sa harap at likod para makita ang kalsada. Higit sa lahat, walang masyadong tao sa mga establisamento. Kaya naman napagpasiyahan naming doon na kumain, sa halip na magluto pa sa bahay. Pagkatapos ng pamamalengke, inihatid ko muna ang pamilya sa loob ng mall bago mag-isang tumungo sa open parking. Nang patayin ko ang makina, at tumigil sa paggalaw ang wiper ko, nangibabaw ang pagbagsak ng malalaking patak ng ulan sa windshield. Gaya ng mga effect sa Photoshop, inihalo nito ang mga kulay mula sa mga ilaw ng kanugnog na gu...

tungkol sa pag-iisa sa construction site

Nagboluntaryo ako para magbantay sa construction site ng aming bagong bulwagan. Mag-isa, suot ang buong kagayakan ng personal protective equipment (PPE), unti-unti kong ininspeksiyon ang lahat ng kasuluk-sulukan ng gusali, inayos ang ilang mga nakakalat, at nilinis ang mga pwedeng linisan. Pero nang matapos na ito, saka na tumambad ang pag-iisa. Malayo sa ingay ng pala, makina, at halakhak sa pangkaraniwang mga araw, ang site kapag Linggo ay isang santuwaryo ng katahimikan. Ang ingay ng dumaraang mga sasakyan ay sinasabayan ng mahinang bulong ng malakas na hangin at mangilan-ngilang huni ng ibon. Pero hindi ako nagrereklamo. Ang totoo, kailangan ko (nating lahat, kung tutuusin) sa pana-panahon ang pag-iisa upang makapag-isip-isip tungkol sa mga bagay-bagay at mga buhay-buhay. Gaya ko ngayon. Habang mag-isang nakaupo, sinasamantala ang malamig na hangin na pumapasok sa bukas pang mga bintana, napagnilay-nilayan ko ang mga pangyayari kamakailan. Ang construction site ay is...

tungkol sa matataas na pangarap

Bakit kaya kapag ang isang tao ay nasa isang napakaganda at napakabuting kalagayan, matagumpay, o kaya ay sobrang saya, inilalarawan siya bilang "nasa langit"? Sa Ingles pa nga, "seventh heaven" ang tawag nila; hindi lang basta nasa langit kundi nasa pinakakaitaasan pa nito.  Siguro dahil matagal na panahon na nating tinitingala ang mga langit, kaya malaon na natin itong iniuugnay sa isang bagay na napakatayog anupat waring imposibleng maabot. Kaya kapag nakakaranas ang isa ng mga kalagayang napakaganda at di-inaasahan, sa wari ay "naabot" niya ang isang napakataas na antas, isang bagay na waring hindi maaabot. Oo, narating niya, sa diwa, ang langit. Pero kung talagang magpapakaistrikto tayo at gagamit ng mga natutunan natin sa pisika, ang paglalarawang ito ay magiging para bang walang kabuluhan. Dahil ang langit -- ang asul na kalawakang natatanaw ng mata -- ay, sa totoo, ang kolektibong epekto ng makapal na mga suson ng di-nakikitang mga gas n...

tungkol sa lakas at katatagan

Madalas gamitin ang mga isport na sprint at marathon para ilarawan ang pagkakaiba ng lakas (strength) at katatagan (endurance). Ang lakas ay kitang-kita sa sprint: sa maikling distansya, sa pinakamaikling oras, kailangang maunahan mo ang iba kaya ibubuhos mo na sa isang bagsakan ang lakas mo. Sa kabilang banda, mailalarawan naman ang katatagan sa marathon: napakalayo ng distansya, kaya kailangang makatagal ang manlalaro sa kabila ng mahihirap na kalagayan. Ang totoo, ang buhay ay madalas ding inilalarawan bilang isang takbuhan. Totoo, may mga pagkakataon na kailangang huwag palampasin ang pagkakataon, kung kaya’t kinakailangang magmadali, gaya sa isang sprint; pero sa pangkalahatan, ang buong takbuhin ng buhay ng tao ay mas angkop na maihahambing sa isang pangmalayuang marathon.  Pero kung ako ang tatanungin, kung minsan, hindi sapat ang paghahambing sa isang marathon para lubusang makuha ang buong larawan ng buhay. Dahil ang buhay ay hindi lamang ang patuloy na pagdaig s...

tungkol sa kawalan

Ang salitang Ingles na “loss” ay malapit na nauugnay sa “lost”: isang bagay na hindi masumpungan. Sa kabilang banda, ang katumbas nitong salita sa Filipino na “kawalan” ay halaw sa salitang-ugat na “wala”: hindi lang basta hindi masusumpungan kundi hindi talaga umiiral.  Parang mas nakakatakot tuloy ang dating ng salitang ito sa wika natin.  *****  Noong isang araw, nanonood si Steph ng isang dokumentaryo tungkol sa extreme poverty , o pamumuhay nang mas mababa sa isang dolyar bawat araw. Kahit bahagya ko lang namalayan ang ilang tagpo, nakita ko ang paraan ng pagsasalaysay: isang grupo ng mga tao (marahil ay mga Amerikano) na sanay sa pang-araw-araw na kaalwanan ang sumubok na mabuhay gaya ng mga kakaunti lang ang tinataglay, o baka wala pa.  Kapansin-pansin ang malaking pagkakaiba sa reaksiyon ng mga gumawa ng dokumentaryo at ng mga taong sinusubukan nilang gayahin. Nadama ng mga nasa dokumentaryo ang kawalan : ng panustos, ng k...