Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pag-iisa sa construction site

Nagboluntaryo ako para magbantay sa construction site ng aming bagong bulwagan. Mag-isa, suot ang buong kagayakan ng personal protective equipment (PPE), unti-unti kong ininspeksiyon ang lahat ng kasuluk-sulukan ng gusali, inayos ang ilang mga nakakalat, at nilinis ang mga pwedeng linisan.


Pero nang matapos na ito, saka na tumambad ang pag-iisa. Malayo sa ingay ng pala, makina, at halakhak sa pangkaraniwang mga araw, ang site kapag Linggo ay isang santuwaryo ng katahimikan. Ang ingay ng dumaraang mga sasakyan ay sinasabayan ng mahinang bulong ng malakas na hangin at mangilan-ngilang huni ng ibon.

Pero hindi ako nagrereklamo.

Ang totoo, kailangan ko (nating lahat, kung tutuusin) sa pana-panahon ang pag-iisa upang makapag-isip-isip tungkol sa mga bagay-bagay at mga buhay-buhay.


Gaya ko ngayon. Habang mag-isang nakaupo, sinasamantala ang malamig na hangin na pumapasok sa bukas pang mga bintana, napagnilay-nilayan ko ang mga pangyayari kamakailan. Ang construction site ay isang magandang paglalarawan sa estado ng buhay ko ngayon: kompleto naman sa mga materyales, pero, gaya ng aming gusali, hindi pa lubusang naitatayo. Alam ko ang mga kakayahan ko bilang isang tao, guro, at kaibigan; pero ang mga gulo sa nagdaang mga panahon ay nagpabagal sa pagtatayo, wika nga, ng kung ano ang matatawag kong ako at akin.

Kaya kailangan pang patuloy na buuin ang sarili. Gamitin ang mga talento bilang mga materyales para itayo ang isang mas matibay, mas malakas, mas magandang kayarian. Gaya rin sa itinatayo naming bulwagan, hindi ito madali at talagang mangangailangan ng panahon at lakas. Pero, sa bandang huli, magiging sulit lamang ang pagsisikap kung gagawin lamang ang pinakamabuti at tama sa lahat ng pagkakataon.

Huwag nang magdahilan (no excuses). Bawal ang madalian (no shortcuts).




Tumunog ang mga dingding na yero sa labas; nagtatangka palang pumasok ang isang aso. Kahit pa gusto ko ng kasama, sa isang malakas na sutsot ay itinaboy ko ito.

Nilibot kong muli ang buong site para magsiyasat. Wala na akong ginagawa o pinupulot; pero sa isip ko, may determinado na akong gawin.

Nang muling makaupo, kinuha ko ang laptop at binuksan. Maganda sigurong magsimulang maging produktibo sa pamamagitan ng pagpo-post nito sa blog. ▇

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...