Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa ganda ng ulan


Kung kailan maulan, saka naman kami namalengke. Habang ang mga tao ay nagpapahinga sa bahay at sinasamantala ang malamig na panahon, kami naman ay sumusuong sa daluyong at buhos ng tubig.

At sa Marikina pa talaga. Sa lambak na isa sa pinakakritikal na bahain dahil sa ilog nito.

Gaya ng inaasahan, maluwag ang daloy ng trapiko, at halos puro malalaking truck ang sinasabayan ng maliit naming Wigo. Wala pa namang malalim na baha, pero todo kayod ang mga wiper ko sa harap at likod para makita ang kalsada. Higit sa lahat, walang masyadong tao sa mga establisamento.

Kaya naman napagpasiyahan naming doon na kumain, sa halip na magluto pa sa bahay. Pagkatapos ng pamamalengke, inihatid ko muna ang pamilya sa loob ng mall bago mag-isang tumungo sa open parking.

Nang patayin ko ang makina, at tumigil sa paggalaw ang wiper ko, nangibabaw ang pagbagsak ng malalaking patak ng ulan sa windshield. Gaya ng mga effect sa Photoshop, inihalo nito ang mga kulay mula sa mga ilaw ng kanugnog na gusali at poste. Kasabay pa nito ang tunog na ginagawa ng bawat nagmamadaling patak na bumabagsak sa metal na bubong at sa salamin sa harap.

Doon ko kinuha ang larawan sa itaas.

Oo, kahit pa sa isang napaka-hassle na panahon at pagkakataon, makakakita ka ng isang bagay na pwede mong mapahalagahan, kung magbibigay-pansin ka lamang at hihinto.

Alam ko kung ano ang mararanasan ko paglabas ko ng kotse: basang ulo mula sa buhos ng ulan, basang sapatos mula sa baha, at basang katawan mula sa talsik na gawa ng nga sasakyan habang patawid ako pabalik sa mall. Pero di bale na. Mahirap man at hindi maalwan, sadyang may ganda pa rin ang ulan.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...