Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa nag-iisang Mars

Nagpunta kami kanina sa isang convenience store. Nagrequest kasi ng chocolate ang maliit kong dalaga, kaya hindi ko mahindian. May mga craving din naman kaming mag-asawa. 

Ang waring napaka-trivial na tagpong iyon - isang mag-anak na sige sa pagdampot ng mga chichirya at kendi sa mga estante - ay biglang naging makahulugan para sa akin nang magtungo na kami sa kaha para magbayad. 

Nandoon iyon, sa mga maliliit na lalagyanan sa tapat ng pila. Halos matabunan na ng ibang mga produkto ang nag-iisang bar ng Mars. 



Ibinalik ako nito lampas kalahating dekada ang nakakaraan. Mag-isa sa malamig na Alemanya, ibinubuhos ko ang panahon ko sa paglalakbay sa iba't-ibang destinasyon, malapit man o malayo sa tahanan ko noon sa lunsod ng Dresden. Sa bawat paglalakbay na iyon, hindi na ako nagdadala ng maraming mga bitbitin. Tanging ang sarili ko lamang, at ang ilang mga pangunahing pangangailangan.

Dahil sa maliit na bag na dala, pagiging biglaan ng mga lakad, at, minsan, kawalan ng pera, hindi ko na masyadong pinagkakaabalahan ang pagkain ko. Bumibili na lang ako ng Mars at tubig sa istasyon, bilang baon para sa buong haba ng paglalakbay. Malinaw pa sa isip ko habang kumakagat ako nito sa gitna ng mabigat na pagbagsak ng niyebe sa labas ng tren. O habang nagcoconnect ako sa Internet sa bus. O kahit pa nga naglalakad sa mga luma at di-sikat na mga daan ng mga bagong lunsod na aking pinupuntahan.

Fast forward tungo sa ngayon: habang kasama ang asawa at akay-akay ang anak, naghahanap ako ng pagkakaabalahan isang hapon, nang makita ko ang nag-iisang Mars. Ang totoo, habang papunta sa convenience store, ni hindi ko nga naisip na bumili ng Mars. Pero tumatak sa akin ang larawan ng nag-iisang Mars na iyon, na wari bang ipinapaalala ang estado ko noon. Mag-isa at malayo sa mga mahal sa buhay, inubos ko ang oras sa paglayo at pagtuklas. Na hindi ko na rin gaanong magawa ngayon.

Maraming binabago ang pagdaan ng mga taon, pero may mga alaalang sadyang nananatili.

Hindi na ako masyadong magala ngayon, at hindi naman ako nagrereklamo. Kaya hindi ko na dinampot ang nag-iisang Mars bar sa estante. Hindi, hindi pa nawawala ang simbolismo nito. Sa halip, kinunan ko na lang ito ng larawan (siguro ay naguluhan din ang kahero sa ginawa kong iyon).

Saka na; may panahon para riyan. Nagmamadali ang buhay, pero ang pagliliwaliw ay makapaghihintay. Saka na, sa angkop na panahon, ko na kukunin ang nag-iisang Mars. ■

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...