Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga yugto ng panahon

Nararanasan natin ito lagi. 

Kung kailan kailangan mo ng panahon -- halimbawa, kung naghahapit ka o may hinahabol -- saka naman tumatakbo nang mabilis ang oras. Kapag nababagot ka naman -- halimbawa, sa paghihintay -- saka naman tila hindi gumagalaw ang orasan. 

Ipinapakita lang ng gayong mga karanasan na bagamat hindi naman talaga bumibilis o bumabagal ang takbo ng oras, ang pananaw natin dito ang nagbabago batay sa ating personal na mga nadarama sa panahong iyon. 

Ang mga yugto ng panahon ang siya ngayong nagiging batayan natin sa pagiging mabilis o mabagal ng isang bagay. Sa pananaw ng isang langaw na ang buong buhay ay tumatagal lamang ng ilang mga araw, ang buhay ng tao ay waring napakatagal, baka nakababagot pa nga. Pero kung ang pagbabatayan naman ay ang mga bundok o kapatagan na libu-libong taon ang binibilang bago magkaroon ng kapansin-pansing pagbabago, ang mga tao ay mabilis na lumilipas, na animoy isang time-lapse video sa kanilang paningin. 


Tinutulungan tayo ng katotohanang ito na magkaroon ng tamang pangmalas sa mga bagay na kinakaharap natin.

Halimbawa, ang problema, at ang dulot nitong pait at sakit. Kapag dumaranas tayo nito, maaaring pumasok sa isip natin na napakatagal na nating naghihirap. At sa ilang pagkakataon, maaaring gayon nga. Pero kung ihahambing sa yugto ng ating buhay, tiyak naman na matatapos din ang mga problema. Gaya ng mga bagyo at unos, ito ay pansamantala lamang.

Sa kabilang banda, paano naman sa mga pagkakataon at oportunidad na dumarating sa atin? Sa ganitong mga pagkakataon, kailangan naman nating tandaan na ang buhay ay napakaikli para pakawalan ang gayong mga bagay, na maaaring hindi na muli kumatok sa ating mga pinto.

Ang lahat ay may katapusan. Hindi natin mapabibilis o mapababagal ang oras. Pero may kakayahan tayong magpasiya kung paano natin gagamitin ang ating panahon. At may kakayahan tayong kontrolin kung paano natin mamalasin ang yugto at bilis ng bawat sitwasyon.

Nawa ay matandaan natin ito lagi. ■

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...