Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa biglang pagkawala



Minsan, may mga nakikita tayong indikasyon na posibleng hindi na maging maganda ang kalalabasan kapag ipinagpatuloy pa natin ang pakikipag-ugnayan natin sa isang tao.  Madalas na ang nakikita natin ay ang posibleng negatibong epekto sa kanya ng patuloy na pananatili natin sa buhay niya. 

Baka naiisip natin na hindi tayo karapat-dapat sa kanya. O ang pananatili natin ay magdudulot ng pighati at pasakit sa kanya. O na baka mapagod siya, baka mapuno na lang din siya sa bandang huli. 

Kaya kung minsan, bigla na lang tayong nawawala. Iniisip natin na ito ang pinakamabuti sa kaugnayan natin sa kanya. Iniisip natin na ito ang pinakamabuti sa kanya

Pero ang totoo, mali ito. 

Pagdating sa ganitong mga bagay, dapat nating tandaan na ang taong iyon ay – pag-uulit bilang pagdiriin – isang tao, na may kakayahang mag-isip at magpasiya. Ang pag-iisip na ang biglang pagkawala ang pinakamabuting gawin para sa kanya, ay mag-aalis sa taong iyon ng dignidad na makapagpasiya man lamang.  Kaya kahit pa mabuti ang intensiyon natin, hindi natin dapat bigla na lang ipasiya na mawala sa buhay ng ibang tao. 

Isa pa, tandaan na ang pananaw natin ay hindi naman natin matitiyak na siya ring nakikita ng taong iyon. Halimbawa, kung iniisip natin na hindi tayo karapat-dapat: Gayon ba talaga ang iniisip niya? Paano natin nasigurado? O kung ang pananatili natin ay magpapahirap sa kaniya: Talaga nga kayang gayon? Kung gayon nga talaga, hindi ba siya handang maghirap, na anupat mas magagalak pa siya sa gayon kaysa mawala ka? Kumusta naman kung iniisip nating napapagod na siya: Hindi kaya ang pagod ay nangangailangan lang ng pahinga? 

Sa halip na biglang mawala, hindi kaya magandang makipag-usap man lamang sa taong iyon, at pakinggan kung ano ang masasabi niya? Tandaan na maging ang mga kriminal na nahuhuli sa akto ay binibigyan ng isang pantanging karapatan: ang pagdinig. Sa halip na biglang mawala, huminto, makipag-usap, at makinig. 

Sapagkat kung bigla na lang tayong magpapasiya sa ating sarili batay sa kung ano ang pananaw natin na pinakamabuti para sa iba, ang totoo, hindi tayo nagiging mabuti sa kaniya. Tinatanggalan natin siya, kahit man lang ng pagkakataon na makapagpasiya para sa kaniyang sarili. Ninanakawan natin siya ng dignidad, at ng pakikipag-ugnayan sa atin, nang wala man lang siyang magawa. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...