Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa kawalan

Ang salitang Ingles na “loss” ay malapit na nauugnay sa “lost”: isang bagay na hindi masumpungan. Sa kabilang banda, ang katumbas nitong salita sa Filipino na “kawalan” ay halaw sa salitang-ugat na “wala”: hindi lang basta hindi masusumpungan kundi hindi talaga umiiral. 

Parang mas nakakatakot tuloy ang dating ng salitang ito sa wika natin. 

***** 

Noong isang araw, nanonood si Steph ng isang dokumentaryo tungkol sa extreme poverty, o pamumuhay nang mas mababa sa isang dolyar bawat araw. Kahit bahagya ko lang namalayan ang ilang tagpo, nakita ko ang paraan ng pagsasalaysay: isang grupo ng mga tao (marahil ay mga Amerikano) na sanay sa pang-araw-araw na kaalwanan ang sumubok na mabuhay gaya ng mga kakaunti lang ang tinataglay, o baka wala pa. 

Kapansin-pansin ang malaking pagkakaiba sa reaksiyon ng mga gumawa ng dokumentaryo at ng mga taong sinusubukan nilang gayahin. Nadama ng mga nasa dokumentaryo ang kawalan: ng panustos, ng kasiguraduhan sa pagkain, ng malinis na tubig, maging ng malambot na higaang paghihimlayan. Pero ang mga taong naroon na sa kalagayang iyon? Hindi naman; ang totoo, parang sila pa ang naaawa kung minsan sa mga taong iyon na tumutulad sa kalagayan nila. Hindi nila masyadong ramdam ang kawalan dahil gayon na ang nakasanayan nila, at nasanay na sila. 

Doon ko napagtanto na ang kawalan ay isang kalagayan ng pag-iisip (loss is a state of mind). Napapansin natin ito kapag may nagbagong mga kalagayan, pero hindi natin ito masyadong nadarama kung wala namang pagbabago sa atin. Ang isang taong nagtataglay ng marami, kapag nawalan ng kakaunti, ay makakaramdam ng kawalan, kahit pa sapat naman o sobra pa nga ang kaniya pa ring tinataglay. 

***** 

At dahil nga ang kawalan ay isang kalagayan ng pag-iisip, natural na mauugnay ito sa pagpapahalaga (appreciation). 

Narinig na natin ito nang maraming beses, hindi ba? Ang sabi nga ni Madonna: “Here is the lesson I've learned/ That you don't know what you've got 'til it's gone.

Sa dokumentaryong pinapanood ni Steph, nakita ko kung paano magbunga ng pagpapahalaga ang naranasang kawalan ng mga gumagawa ng pelikula. Tumatalon sila sa tuwa sa pagtanggap ng salapi na, kung sa kanilang normal na kalagayan, maaaring winawalang-halaga nila. Sarap na sarap sila sa tubig na malabo at maputik. Masarap ang tulog nila sa ilalim ng mga kalagayang hindi nila ituturing na komportable sa normal nilang mga buhay. 

Biglang-bigla, nagkakaroon ng halaga ang mga bagay na naiwan kapag ang isa ay nakararanas ng kawalan. 

***** 

Alam na alam man natin ito, pero hindi pa rin natin ito magawang ikapit para sa mga taong naririto sa buhay natin. 

Kung tutuusin, hindi naman talaga tayo masisisi. May mga tao talaga na napakalapit na sa puso natin, kaya sa kanila lang natin naipapakita ang pinakabuong pagkatao natin, kahit pa ang pinakamasama. Sila ang nagiging punching bag natin, kaaway kapag wala na tayong makaaway, tagasalo ng sama ng loob kapag waring pinagsasakluban na tayo ng langit at lupa. Minsan sila ang nakakasawaan natin, ang hindi natin papansinin kapag feel lang natin, ang casualty kapag may digmaan sa loob ng puso at pagkatao natin. 

Kasi maiintindihan naman nila. 

Ang totoo, sila ang mga taong nariyan pa rin kapag nawalan tayo. Ng halos lahat. Gaya ng maputik na tubig at matigas na higaan sa dokumentaryo, sa gayong mga pagkakataon lang natin sila nabibigyan ng angkop na pagpapahalaga.

***** 

Pero paano kung sila ang mawala? 

***** 

Mabuti pa nga kung hindi naman permanente ang kanilang pagkawala; gaya ng salitang Ingles na “lost” na nabanggit kanina. Kung minsan, baka kailangan lang nila ng panahon; baka tumatakbo rin sila sa iba, sa mga taong gayon din naman ang pagpapahalaga sa kanila. Mahahanap pa sila, maibabalik, mapapahalagahan sa tamang antas. 

Pero paano kung ang mangyari ay gaya ng diwa ng salitang-ugat na Filipino kanina? Paano kung permanenteng “wala” na sila? 



***** 

Hindi kataka-taka na ang temang ito ay lumalabas sa mga pelikula, awitin, at mga works of fiction

Naaalala ko ang nobela ni John Green na The Fault in Our Stars; ang bidang lalake ay nagnais na marinig ang kaniyang eulogy dahil sa napipinto niyang kamatayan. Kamakailan lang, bagamat hindi ko napanood, nalaman kong gayon din ang plot sa pelikulang Deadma Walking, anupat pineke pa nga ng bida ang kaniyang kamatayan para lang malaman kung ano ang sasabihin sa kaniya ng mga tao.

Naaalala ko rin ang katotohanang ito sa mensahe ng awitin ni Ronan Keating na If Tomorrow Never Comes. O kaya naman ay ng kay Jett Pangan: “Isipin mo na lang kung mawawala ako/ Sino'ng aawayin mo pag masama ang timpla mo.”

Ipinakikita lang nito na gayon na lamang ang kapangyarihan ng pagpanaw -- permanenteng kawalan -- sa mga tao, anupat nagbibigay lang sila ng pagpapahalaga kapag nangyari na ito. Kapag hindi na ito pwedeng malaman ng pinapahalagahan nila.

*****

Ang lahat ng bagay ay may hangganan, at tiyak na makararanas tayo ng kawalan sa ilang mga pagkakataon.

Pero bukod sa pagkaalam sa katotohanang ito, mas maganda siguro na isipin natin na wari bang tayo ay nawawalan sa bawat pagkakataon. Hindi na natin kailangan ng aktuwal na kawalan para magpakita ng pagpapahalaga - lalo pa doon sa mga talaga namang mahalaga. ◼

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...