Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagiging di-tiyak ng petsa ng kamatayan

May mga bagay na napipili ang petsa at naipaplano. Halos lahat ng mga gawain sa bahay at sa trabaho ay pwede naman talagang ilista, idokumento, at lagyan ng panahon kung kailan dapat gawin at tapusin. Ang totoo, dahil napakaabala ng mundo, madalas na hindi lang pwede kundi kailangan ang angkop na pagsasaayos at pagpaplano. 


Pero hindi lahat ng bagay ay gayon. Ang kamatayan, halimbawa, ay hindi naitatakda bagamat maaaring sumapit sa isa sa anumang panahon. Ang isang tao ay hindi gaya ng pakete ng pagkain, anupat hindi ipinanganganak na may nakamarkang "Expiration Date" sa talampakan. Kahit pa may paniniwala ang iba [ako mismo ay hindi naniniwala rito] na may "oras" ang bawat isa, at "kung oras mo na, oras mo na," hindi pa rin nila alam kung kailan ito eksaktong darating.

Dahil diyan, ang kamatayan ay hindi mapaghahandaan. Ang pagkamatay ng isang tao ay mapait para sa mga maiiwanan niya, kahit pa nga doon sa mga kaso ng mga terminally ill at talagang malapit nang magwakas ang buhay. Kaya gayon na lang din ang hapdi na dulot ng mga pagkawala nang biglaan at hindi inaasahan.

Bagamat madalas na naitatampok ang kawalan na dulot ng kamatayan sa mga maiiwan, ang pagiging di-tiyak ng kamatayan ay may epekto rin sa tao mismo.

Ang mga tao ay nasanay na bigyan ng pantanging kahalagahan ang mga pagtatapos. Sa mga graduation, retirement party, o despidida, ang pinakatampok na bahagi ay kadalasan nang ang mensahe mula sa magtatapos o aalis. Ang mensahe ay bilang pasasalamat sa mga taong naging bahagi ng bagay na iyon.

Ang kamatayan ay isa ring pagtatapos - ang totoo, sa pinakasukdulang diwa. Pero hindi gaya ng isang despidida o retirement party, kadalasan nang hindi magkakaroon ng isang mahabang pahayag ang taong "magtatapos." Hindi, kundi isang malalim, mabigat na huling hininga na maaaring may kaakibat pa nga na mga luha sa mata.

Ang gayong estado ng kamatayan, bagamat nakalulungkot, ay may positibong resulta kung talagang pinili nating tanggapin ang katotohanang ito.

Dahil di-tiyak ang pagkawala ng isang tao, ngayon pa lang ay pahalagahan na natin siya. Huwag na nating sayangin pa ang oras, habang nalalamang ang kamatayan ay laging nag-aabang sa tabi-tabi. Hanggat kaya natin, huwag nating isipin na nakasanayan na natin ang isang indibiduwal kaya hindi na siya mahalaga. Sa halip, gamitin ang bawat pagkakataon para ipakita ang pagmamahal at pagpapahalaga.

Sa kabilang banda, lagi din nating ipakita ang pagpapasalamat, sa lahat. Gamitin ang bawat pagkakataon para ipakita ang pagpapahalaga sa iba. Hindi tayo makakapag-speech kung mawala tayo, kaya dapat na ngayon pa lang ay malinaw na sa kanila ang pagpapahalaga natin. ■

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...