Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa matataas na pangarap

Bakit kaya kapag ang isang tao ay nasa isang napakaganda at napakabuting kalagayan, matagumpay, o kaya ay sobrang saya, inilalarawan siya bilang "nasa langit"? Sa Ingles pa nga, "seventh heaven" ang tawag nila; hindi lang basta nasa langit kundi nasa pinakakaitaasan pa nito. 


Siguro dahil matagal na panahon na nating tinitingala ang mga langit, kaya malaon na natin itong iniuugnay sa isang bagay na napakatayog anupat waring imposibleng maabot. Kaya kapag nakakaranas ang isa ng mga kalagayang napakaganda at di-inaasahan, sa wari ay "naabot" niya ang isang napakataas na antas, isang bagay na waring hindi maaabot. Oo, narating niya, sa diwa, ang langit.

Pero kung talagang magpapakaistrikto tayo at gagamit ng mga natutunan natin sa pisika, ang paglalarawang ito ay magiging para bang walang kabuluhan. Dahil ang langit -- ang asul na kalawakang natatanaw ng mata -- ay, sa totoo, ang kolektibong epekto ng makapal na mga suson ng di-nakikitang mga gas ng atmospera, isang bagay na hindi maaabot ni mapupuntahan man. Kung magsisikap ang isang tao na makarating sa literal na langit, malalaman niyang wala pala siyang espisipikong pupuntahan at panghahawakan.

Naalala ko ang katotohanang ito dahil sa naganap na pagpupugay sa mga magtatapos na mag-aaral mula sa aming surian kamakailan lamang. Ang panauhing pandangal ay ang kasalukuyang Kalihim ng Department of Science and Technology (DOST), ang Kgg. Fortunato de la Peña. Sa kanyang pahayag, hinamon niya ang mga magsisipagtapos na alamin kung paano nila nais sukatin ang kanilang tagumpay.

May mga taong ang hangad ay isang magandang buhay at maraming pera bilang tunguhin. May mga taong ang nais ay dangal, impluwensiya, o kasikatan. Para sa iba naman, ang payapa at simpleng buhay.

Iba't iba man ang mga pangarap ng bawat isa, mahalagang pag-isipan ang mga salita ng kalihim. Paano mo ba masasabi sa sarili mo na nagtagumpay ka na? Ikaw mismo, hindi ang ibang tao; dahil hindi ang iba ang magtatakda ng ikaliligaya mo sa buhay. Baka matagumpay ka sa isang aspekto sa paningin ng iba, pero hindi naman maligaya ang puso mo; o baka naman kinakaawaan ka ng iba dahil sa mga kakulangan mo, pero masaya at kontento ka naman pala sa sarili mo.

Sa katapus-tapusan, ang pagtatakda ng panukat ng tagumpay ay magbibigay sa atin ng malinaw na palatandaan kung naabot na natin ang matatayog nating pangarap. Kung wala nito, baka inaabot lang natin, sa diwa, ang asul na pisikal na langit. Pataas lang tayo nang pataas, hanggang sa mamasdang nawawala na ang asul na kulay nito, habang wala tayong aktuwal na nahahawakan at natutuntungan.



Isang pagpupugay sa mga nagtapos! Lalo na sa mga "anak" ko. Salamat at inaasahan kong mararating ninyo ang mas matatayog pang pangarap. 😊

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...