Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa bentilador

Mas malamig pa rin dito sa Dresden kesa sa Pilipinas. Ngayon na siguro ang pinakamainit na yugto ng tag-init, pero sa pinakamainit ay nasa mga 25 degrees pa rin ito, at sa gabi, nasa mga 15 pa rin, parang naka-aircon pa rin.

Ang problema nga lang, alas-diyes na lumulubog ang araw, kaya ang alas-otso ng gabi ay parang alas-kuwatro pa lang ng hapon sa Pilipinas. Nakaharap pa naman din sa kanluran ang bahay ko kaya nasasagap ko ang lahat ng init bago dumilim.

Kaya sa gabi, pagsampa sa kama, binubuksan ko ang naka-steady na bentilador bago matulog.

*****

Walang airconditioner sa bahay namin noong lumalaki ako. Mahal ang bumili ng aircon, at mas mahal ang magmantini. Ang bahay naming kahoy ay hindi rin angkop para lagyan nito, dahil tiyak na tatagas ang malamig na hangin mula sa maliliit na uka sa pader.

Pero sa bawat kuwarto sa bahay namin ay may bentilador. Sa pagdaan ng panahon, padami nang padami ang mga electric fan namin dahil hindi kami nagtatapon ng mga nasisirang gamit. Si Papa mismo ang nag-aayos ng mga nasira, para bang mas excited pa siya kapag may nasirang granahe o nasunog na motor. Kung minsan ay dumarayo pa siya sa Maynila para bumili ng mga lumang piyesa; mas matanda pa kasi sa aming magkakapatid ang mga bentilador namin.

Kapag pinapatulog kami sa tanghali, doon sa bibihirang mga pagkakataon na talagang nakakatulog ako, naaalala kong ang hugong ng bentilador ang siyang naghahatid sa diwa ko tungo sa kawalang malay. Kung minsan, napapanaginipan kong nakasakay ako sa isang eroplano o helicopter, maliwanag na dahil sa naririnig kong tunog ng electric fan sa background. Kung minsan naman, hinahayaan kong tuyuin ng bentilador ang namuong mga pawis mula sa ulo o tiyan ko; ang lamig na dulot nito ang nakakarepresko sa akin habang dahan-dahan akong napagwawagian ng antok.

*****

Ang totoo, hindi naman nga talaga sobrang init. Sa gabi nga ay giniginaw pa rin ang paa ko at kinakailangan kong magtalukbong ng kumot.

Pero naka-on pa rin ang electric fan. Kakatuwa, sa gabi-gabi ay muli na akong nananaginip, at karamihan sa mga ito ay makatotohanan at batay sa aking nakaraan.

Komportable naman ang pagtulog ko kung wala ang electric fan, makakapagpahinga naman ako. Pero hinahanap-hanap siguro ng utak ko ang mga panahong tulad noon, nang ang bawat pagtulog ay kasabay ng paghugong ng bentilador. Doon, makakapaglakbay ang diwa ko. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.