Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagsusulat ng pamangkin ko

Ang mga pamangkin ko ay home schooled. Ang siste, si Ate ay nagbabayad ng "tuition" sa isang home school organization para sa mga aklat, syllabus, at mga proyekto sa pagtuturo, pero siya pa rin ang titser ng kaniyang mga anak.

Ang panganay niya, si Kyla, ay mahusay nang magsulat at magbilang; maaga pa lang ay nakitaan na namin ng kahusayan ang bata. Ang mas nakababata, si Noah, ay huli kong dinatnan bilang isang magulo at makulit na bata; bulol pa siya nang una akong pumunta dito sa Alemanya.

Tingnan mo nga naman ang panahon. Kamakailan ay nag-email si Ate ng isang larawan: ang unang school work ni Noah:


Ang bata pala mismo ang humiling na mag-aral. Sa sulating ito, idinidikta lang pala ni Ate ang mga letra, at ang bata na ang nagsulat. At sinamahan pa niya ng drowing! Maging si Ate ay namangha dahil ingat na ingat umano ang bata na hindi lumagpas ang kulay sa gilid ng mga larawang siya mismo ang lumikha.

Sandaling panahon na lang at magpapaturo na sa akin ng algebra at trigonometry at calculus ang dalawang ito. Malilingat lang ako at nag-aaral na sila ng physics. Kaya iingatan ko ang larawang ito, isang paalaala sa kanila (at sa akin) na bagamat ang pagkatuto ay may pasimula, wala naman itong katapusan. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.