tungkol sa pagpapalaki sa pamangkin

nag-iisa (pa lang) ang pamangkin ko. si mikyla deanne besenio ay tumuntong ng dalawang taon noong ika-5 ng nobyembre. sa loob ng mahigit na dalawang taon ng pagsubaybay ko (namin) sa paglaki ni kyla (lumaki talaga siya; di nagmana sa side namin), maraming bagay sa buhay ang naituro namin sa kanya, at niya sa amin.















halimbawa, gaya rin ng iba pang bata, lumaki si kyla na jollibee ang bukambibig. makita lang ang mukha ni jollibee (kahit sa tissue) ay tumatalon na siya sa kaligayahan. ang "bee" na naging "abee" at ngayon ay "jabee" ang request niya tuwing manggagaling kami sa pagdalo sa aming pulong tuwing linggo; natatanaw kasi mula sa kotse ang jollibee bago kami pumasok sa aming kalsada.


at bilang mabait at mapagmahal na uncle, ako ang laging taya kapag humirit na ng "jabee" si bunso. ang masakit, kapag nanlibre si uncle ay damay si mommy, daddy, auntie, lolo at lola. mas mahal pa ang kinakain ng mga lampas ng 2 taon ("bugoy, TLC ha"; "kuya, burger steak"); ang request lang ni kyla ay isang piraso ng french fries at sandamakmak na ketchup (na minsan ay muntik pa niyang inumin).

at siyempre, ang tissue na may mukha ni jollibee.

doon, narealize ko: simple lang naman talaga ang buhay. simple lang naman talaga ang mga pinagmumulan ng tunay na kaligayahan. para kay kyla, iyon ay ang pagkakita kay jollibee; para sa amin, iyon ay ang pagkakita sa kanya na napakaligaya sa pagkakita kay jollibee. napapansin ng iba na ang halaga at kumplikasyon ng mga bagay na nakapagpapasaya ay proportional sa edad (baka nga exponential pa). pero hindi naman kailangang maging ganun. parang random walk; bagamat proportional sa square root ng dami ng hakbang mo sa buhay ang standard deviation mo, mare-realize mo na on the average, nasa starting point ka pa rin: ang pinakamahalaga pa rin ay na buhay ka, humihinga, minamahal at nagmamahal.







si kyla ay isang matalino at mausyosong bata. sa bahay, kapag hinahabol-habol niya ako, hindi ko siya mapagtaguan. wais.

alam niya kung saan ginagamit ang lipstick at ministick. imo-mostra pa niya kung paano maglagay ng deodorant sa kilikili. alam niya na may pera sa bulsa ko at sa coin purse kong fish. nagugulat na lang ako, hinihila niya ako para bumili ng "indie" (candy, mentos in particular) sa katabing tindahan.

alam niya i-spell ang pangalan niya (pati middle name: B-A-T-A-C).

marunong siya ng mga letters ng sign language.

at kapag gabi na ako umuuwi, kapag may natanggap ako na blangkong text (o kaya ay text na "a" lang ang laman) mula sa cellphone ni mama, alam kong tinext na ako ni kyla.


naisip ko na walang limitasyon ang talino ng tao. nabigyan ng bagong dimensiyon ang aking trabaho. bilang isang guro, ganito, ganito ang ginagawa ko araw-araw tuwing papasok ako sa classroom. mas nakakatuwa nga lang ang pagkatuto ni kyla, mas obvious. magandang analogy ang buhok; technically pareho lang ang rate ng paghaba ng buhok ng semi-kalbo at long-hair, pero parang mas mabilis humaba ang kalbo kasi nagsimula siya sa konti. kapag pumasok ka sa loob ng pinagtutubuan ng buhok, ganun din ang istorya. si kyla, nagsimula sa isang walang-lamang utak mula sa sinapupunan kaya para bang napakalaki ng igpaw niya sa pagkatuto. ang mga estudyante ko, napakarami nang alam kaya ang mga "kaunting" bagay na naidaragdag ko sa kanila ay hindi masyadong halata. pero technically, pareho lang ang dami ng natututuhan ni kyla, ng mga estudyante ko, ako, at lahat ng tao for that matter. hindi naman pala talaga walang saysay ang pagtuturo.








naabutan ko minsan si kyla sa kuwarto na kinakausap ang kanyang mga teddy bear.

abala kami noon, nagluluto ang mga babae (mama, ate, yeye), naglilinis si kuya, namalengke si papa, at ako nama'y nagche-check sa kuwarto ko (LOSER!!!). ang kawawang bata ay inaantok sa kuwarto, napabayaan, kaya tahimik na lang na nakipaglaro sa kanyang mga stuff toy.

isang napakasayang tawa ang sumalubong sa akin pagpasok ko sa kuwarto. bumilang ("1-2-THREE!"), si kyla ay nag-dive para magpasalo sa akin.

inihagis-hagis ko muna siya pataas, at tawa siya nang tawa. maya-maya, pagkatapos ko siyang ibaba, nagpahabol naman siya patungo sa labas. bumili kami ng hopia at RC cola pagkatapos, umupo sa labas ng gate, pinagmamasdan at binibilang ang mga dumaraang aso ("aw-aw"), at traysikel ("broom-broom").

hindi na niya hinanap ang mga tahimik na laruang iniwan namin sa kanilang kuwarto.

tama naman si kyla. bakit ka nga naman magtitiyaga sa manhid at walang pakiramdam na mga laruan, kung nariyan naman ang mga tunay na nagmamalasakit na kalaro?

Mga Komento

Kilalang Mga Post