tungkol sa NIP reunion

walang masyadong pumunta. ni hindi napuno ang mga upuang inihanda. tama lang ang pagkain. pero hindi naman talaga isang kabiguan ang naganap na NIP alumni homecoming kanina.

kung tutuusin, hindi pa naman talaga established ang alumni base ng NIP. siguro hanggang noong unang bahagi ng 1990's, paisa-isa pa lang naman talaga ang nagtatapos na mga BS Physics at BS Applied Physics. 2000 na nang magsimulang dumami ang mga nagtatapos. sa pagtaya ngayon ng NIP, ito'y nasa 30 bawat taon - bukod pa sa 11 MS at mangilan-ngilan ding PhD.

siyempre, dahil bulto ng mga NIP alumni ay mga bata pa, hindi pa maaasahan na makapagbigay ito ng tulong sa institute. karamihan sa mga ito, kapag hindi nagtuloy sa graduate school ng NIP, mga nasa labas at nagtatrabaho. bilang IT specialist, bilang product o testing engineer, bilang taga-index ng mga scientific paper. hindi pa naman maaasahan na nakaakyat na sa corporate ladder nang gayon kaaga ang mga ito.

kaya hindi rin maaasahan na makakapunta sila. dahil nasa trabaho sila.






pero ok rin talaga ang event kahit pa walang masyadong pumunta.

napakaganda ng NIP kapag gabi. bukas ang mga ilaw, nagliliwanag. kumikinang maging ang sirang bubong sa atrium ng bulwagan.

masarap din naman ang pagkain. naubusan nga lang ako ng leche flan.

at naroon din naman ang mga dating kaibigan at kakilala, mga taong naging parte rin ng buhay ko at nagbabalik ng mga dating alaala ng isang lumang NIP.

Mga Komento

Kilalang Mga Post