Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pag-aalaga ng mga halaman

Nasa kontrata ng bahay ko dito na hindi pwedeng magsabit ng halaman sa labas ng bintana.



Kaya nang bumili si Steph ng mga halaman noong nandito siya, hindi ako masyadong interesado. Hinayaan ko lang siya nang una niyang dalhin ang mga halaman, at nang bumili siya ng mga bagong paso, manghingi ng bagong lupa mula sa aming mga kakilala, at maglipat ng mga tanim.

*****

Kakatuwa, dahil ito naman talaga ang mga hilig ko noong bata pa ako sa Pilipinas; kahit pa magkaputik-putik ang mga kamay at braso (at damit, na kinaiinisan ni Mama), wala akong hinto sa paggawa ng mga istraktura mula sa lupa at mga bato na siya ko namang tataniman ng mga rosal o iba pang mga halaman. Pero siyempre, dahil sa pagdami ng mga gawain sa eskuwela, bandang huli ay napabayaan ko na rin ang hilig na ito. Pero alam ko pa rin ang sayang dala ng pag-usbong at dahan-dahang paglaki ng isang halaman. Kamangha-mangha pa rin kung paanong kahit araw-araw mo itong nakikita, darating at darating pa rin ang panahon na mamamangha ka sa "bilis" ng paglaki nito.

Pero hindi ko talaga mahanapan ng panahon at interes ang mga halaman ni Steph. Dahil siguro alam kong bawal? Dahil alam kong may mag-aalaga namang iba? Anu't-ano pa man, hindi ko talaga nasubaybayan ang mga bulaklak.

*****

Hanggang sa nalanta sila.

Matapos ang sampung araw na paglilibot sa Italya, umuwi kami at dinatnan ang tuyo-nang mga dahon at nalagas-nang mga bulaklak. Bago umuwi ng Pilipinas si Steph, dinidiligan pa rin niya ito, umaasang ang maliliit na bahaging berde pa ay umusbong upang magsimula ng bagong mga supang. Pero umalis siya nang hindi nadatnan ito.

Kaya naman pagbalik ko sa bahay, matapos ko siyang ihatid mula sa airport, agad kong binigyang-pansin ang mga halaman. Inilipat sila sa lugar na hindi masyadong nabibilad sa papainit-nang-papainit na sikat ng araw ng tag-init. Bahagyang hinukayan ang paligid at ginawang buhaghag ang nakapaligid na mga lupa. Makalipas ang ilang mga linggo, nakakita ako ng positibong resulta.


Isang akala ko'y patay nang tangkay ang biglang sumulpot bilang isang berdeng tangkay. Muli kong ibinalik sa bintana ang paso; pero hindi pa rin direktang nakabilad ang bagong usbong. Ngayon, araw-araw na akong nagmamasid sa patuloy nitong paglago, minsan ay pinipigilan pa ang sarili na muling diligan ang lupa upang hindi malunod ang halaman.

Ngayon, matapos ang halos isang buwan, kinailangan ko nang tanggalin ang mga patay na tangkay na nakaharang sa paglaki nito. Nagsimula nang magsanga ang dati'y maliit na berdeng buhay.


*****

Angkop lang naman na ang mga halamang inalagaang mabuti ni Steph ang siya kong pagbuhusan ng panahon at atensiyon ngayong wala na akong kasama sa bahay. Ang pag-aalagang kapuwa namin ibinuhos para sa maliliit na buhay na ito ay para na ring naglalapit sa akin sa kaniya, ilang milya man ang layo namin sa isa't-isa.

Ang pagmamasid sa muling pagkabuhay ng isang supang, gaano man ito kaliit, ay isa ring aral at paalaala tungkol sa kapangyarihan ng pag-asa. Na kahit pa ipinagwawalang-bahala natin ang maraming bagay sa buhay, anupat nagigising na lang upang makitang lumipas na ang mga ito, kung talagang magsisikap tayo at kakapit sa kahuli-hulihang hibla ng pag-asa, posibleng may magandang mangyari sa bandang huli. Posible pa rin talaga ang magagandang resulta. ●

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.