tungkol sa pamamasyal sa Italya

Bago umuwi ang asawa ko sa Pilipinas, tiniyak ko na makakapasyal kami dito sa Europa. Sa isang lugar maliban sa aming tahanang lunsod ng Dresden. Sa umpisa pa lang, wala na akong alinlangan na ang pinakamagandang lugar para bisitahin ay ang Italya.




*****

Kapag Italya ang pinag-uusapan, malamang na ang unang papasok sa isip ng sinuman ay ang tanyag na kabisera nito, ang Roma. Ang Roma ay tinaguriang Ang Walang Hangganang Lunsod dahil nagkaroon ito ng malaking bahagi sa pinakamahahalagang yugto sa kasaysayan. Pero, sa katunayan, marami pang ibang sorpresang hatid ang Italya.

Sa katunayan, ang bansang kilala natin ngayon bilang Italya ay binubuo ng noo'y mga nagsasariling mga lunsod-estado na may kani-kaniyang mga pagkakakilanlan. Ang Venezia, halimbawa, ay naging isang mayamang lunsod at malakas na kapangyarihang pandagat. Ang Firenze naman ay pinamahalaan ng maimpluwensiyang pamilya ng Medici at nakilala sa koleksiyon nito ng mga gawang-sining. Ang Genoa, isa ring estadong may puwersang pandagat, ay nasa ilalim naman ng mga Grimaldi. Ang mga teritoryo sa timog gaya ng Napoli at Sicily na nabibilang sa Kaharian ng Dalawang Sicilia ang may pinakamalaking teritoryo sa mga lunsod-estado at naimpluwensiyahan naman ng mga Bourbon ng Espanya at Austria.

Noon lamang gitna hanggang huling bahagi ng ikalabingsiyam na siglo nagkaroon ng nagkakaisang kaharian ng Italya. Mula noon, dumaan na rin ito sa maraming pagbabago: naging republika, pagkatapos ay pasistang diktadurya, at ngayon ay isa na muling parliamentaryong republika matapos ang pagkatalo nito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa dami ng mga pinagdaanang ito, at sa tagal na rin ng panahon, tiyak na hindi na nararamdaman ng mga Italyano ang kanilang pagkakaiba-iba; lahat sila ay mga mamamayan ng Italya.

Pero para sa mga turistang katulad namin, nakakatuwang balikan ang kasaysayan, noong mga panahon ng kanilang pagkakaiba-iba. Dito namin mas naunawaan at napahalagahan ang natatanging ganda nito.

*****

Ang una naming pinuntahan ay ang mga isla ng Venezia, kilala sa kanilang mga kanal. Ang pangunahing isla ng Venice ay, kakatuwa, hugis isda! Siyempre pa, kilala ito sa mga pagkaing dagat.


Pero ang mas nakaagaw ng aming pansin ay ang napakalawak na Piazza San Marco at ang tanyag nitong Basilika, kung saan naroon ang katawan ng Ebanghelisador na si Marco, na umano'y ninakaw ng mga mangangalakal na Venetian mula sa Alejandria sa Ehipto. Ang mga detalye ng pagkuhang ito ay nakalarawan sa napakagandang mga mosaic sa pasukan ng basilika. Makikita rin sa basilika ang impluwensiya ng Silanganing Imperyo ng Roma, o ang Imperyong Byzantine. Ito ay dahil sa malaong panahong alyansa ng mga kahariang ito.

Sa gawing hilagang silangan ng pangunahing isla, naroon ang hugis-parisukat na Cimitero. Oo, ito ang sementeryo ng mga sinaunang Venetian. Hindi ko lang alam kung ginagamit pa rin ito sa ngayon.


Nagkaroon din kami ng pagkakataong bumisita sa mga isla ng Murano, na tanyag sa mga pagawaan ng glass. Nakita rin namin ang makukulay na mga bahay ng maliit na isla ng Burano.




Nakakatuwang isipin na ang modernong lunsod na ito ay aktuwal na nakatayo sa dagat. Sa halip na mga kotse ay mga bangkang de-motor ang lumiligid sa lagoon. Sadyang makulay -- simbolikal at literal -- ang Venice.

*****

Tumungo naman kami sa Firenze, ang kabisera ng mayamang kaharian ng Toscana sa gitna ng tangway ng Italya. Kilala ang rehiyong ito sa mabubungang mga burol at sa produktong nagmumula rito: ang kanilang alak. Pero ang mismong lunsod ng Firenze ay dinarayo ng mga turista dahil sa mga museo at mga gusaling may natatanging arkitektural na disenyo, mga proyekto ng sinaunang pamilya ng mga Medici.


Eksakto naman na libre ang mga museo noong hatinggabi mismo ng aming pagdating! Nakapasok kami sa Accademia at sa Uffizi kung saan nakadispley ang mga dibuho at larawang ipininta ng sikat na mga alagad ng sining noong Renaissance.

Kulang ang ilang mga araw para lubusang malibot ang lahat ng mga gallery sa Firenze. Pero sulit na rin naman na mabisita ang pinakamahahalagang koleksiyon. Nang libre.

*****

Sa wakas, ang kabisera. Ang Roma, na isa sa pinakamahahalagang lunsod sa kasaysayan. Mula pa noong pagkakatatag nito, na ayon sa mga kuwento sa pamamagitan ni Romulus (na, kasama ng kaniyang kapatid na si Remus, ay pinalaki umano ng isang babaeng lobo), ang bawat pahina ng istorya ng lunsod ay paksa ng pag-aaral ng mga istoryador, lalo na ang dahan-dahang pagbabago nito mula sa isang republika tungo sa isa sa pinakamakapangyarihang imperyo sa sinaunang daigdig.

Ang Roma ay binubuo ng iba't-ibang suson. Literal na mga suson mula sa iba't-ibang bahagi ng kasaysayan. Ang Roma noong panahon ng republika at imperyo (mga ilang dantaon bago si Kristo) ay karaniwan nang gawa sa laryo, na nang bandang huli ay nilagyan ng marmol, na tinanggal naman ng Simbahan para sa kanilang mga mga proyekto ng pagtatayo nang bandang huli. Maraming mga lumang gusali na tinayuan ng mga bagong bahagi sa pagdaan ng panahon.

Pero ang pinakanagustuhan ko sa Roma ay ang napakaraming mga fontana. Tuluy-tuloy na umaagos ang tubig dito mula sa mga kabundukan sa pamamagitan ng mga daluyang ginawa pa noong sinaunang mga panahon.




Kakaibang karanasan din ang pagbisita sa Colosseo. Ang ngayo'y mga sirang mga pader at harang ay piping mga saksi sa madugong mga patimpalak na paulit-ulit na isinagawa roon sa loob ng maraming mga taon, mga dekada, mga dantaon pa nga.




Gaya rin sa Firenze at sa Venezia, napakarami pang dapat libutin sa Roma. Kung sabagay, ang hindi naman ito tinatawag na Eternal City para sa wala. Pero sulit na rin ako sa maiksing pagbisita. Ang sabi nila, kailangan mo daw bumalik sa Roma. Sino ang makapagsasabi? Kung may pagkakataon sa (malapit na) hinaharap, babalik kami sa Roma.

*****

Hindi nga talaga ako nagkamali sa pagpili sa Italya. Nakasampung araw kami sa Italya pero hindi pa namin nalulubos ang pagkasari-sari ng mga lunsod nito. ●

Mga Komento

  1. Aaaw I now miss Italy even more.. Kng pede lbg ibalik ang oras.. Pro tama iba nmn.. skinny for Santorini ;)))

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Kilalang Mga Post