tungkol sa mga susing hindi dapat maiwan sa loob

nakakainis kung minsan ang pagkakandado sa pinto ng bahay namin; nakakainis at nakakatawa.

ang padlock na ginagamit namin ay yung may tatak na Egret. ang katangian ng ganitong padlock ay na kailangan ang susi, hindi lamang para buksan siya, kundi para ikandado siya. sa katunayan, hindi mo mabubunot ang susi kapag hindi naka-lock ang kandado.

advantage: hindi maiiwanan ang susi sa loob ng bahay, kaya siguradong hindi ka maiiwan sa labas na hindi makapasok dahil nasa loob ang susi.

disadvantage: mahirap at hassle ang pagkakandado (see first paragraph). nakakatawa na naghahanapan kami ng susi kapag magsasara na ng bahay. at nakakainis kapag tinatamad kaming lahat na maglabas ng kanyang duplicate.






parang puso ang mga kandadong Egret. parang mga kahapong hindi mapakawalan. parang isang di maikandadong puso para sa pag-ibig.

ang susi para buksan natin ang ating mga sarili para sa iba ay ang pag-ibig. totoo ito maging sa kaibigan (stress on third syllable) o kaibigan (stress on the first syllable). kapag mahal natin ang isang tao, ito ang magbubukas ng daan para ihayag natin ang ating pagkatao sa kanya, maging ang ating mga pinakaiingatang lihim. binubuksan nito ang ating pinto, nag-aanyaya para sa kanya na pumasok.

pero dumarating din siyempre ang pagkakataon na hindi sila pumapasok. iba ang pinipili nila sa halip na tayo. mas madalas mangyari ito kapag romantikong pagmamahal ang pinag-uusapan. bigo tayo, at iniiwan tayo ng ganitong karanasan na bukas at hantad, at hindi natin mapakawalan ang mga alaala. ano ang dapat nating gawin?

siyempre pa, e di magsara. talikdan ang kahapon at lumimot. at, tulad ng kandadong Egret, iisa lamang ang paraan para ikandado natin ang ating puso: gamitin natin ang susi, ang pagmamahal natin sa kanya.

kung mahal natin ang isang tao mapakakawalan natin siya (ilang beses na inuulit-ulit ito sa mga kanta). and at the same time maisasarado natin ang ating puso mula sa mga alaala.

advantage: hindi natin maiiwan ang "susi" sa loob (natin). hindi tayo maiiwan sa labas, naghihintay sa wala. mabubuksan nating muli ang ating sarili para sa ibang nais "pumasok."

disadvantage: mahirap. napakahirap.






malalim na pala ang gabi. sa halip na hanapin ang susi ay kung anu-ano ang pinagsusulat ko dito. maikandado na nga ang gate...

Mga Komento

Kilalang Mga Post