tungkol sa pag-amin

"akala ko kasi noon crush ko si ____________ kasi andami naming pagkakatulad."

hindi ko alam na sa pamamagitan ng mga salitang iyon, na diretsahang binanggit, ay aamin siya. sa pamamagitan ng isang napakasimple subalit napakatotoong salita ay ilalabas niya ang mga saloobing itinago sa loob ng matagal na panahon.

"pero wala na. ngayon, wala na."

ilang beses niyang inuulit ang mga pananalitang ito habang binabaybay namin palabas ang tahimik na mga hallway ng NIP. pero sa pagkakataong ito, nakadama ako ng kung anong lungkot sa tono ng kanyang boses. may kung anong hinanakit at sakit.

na lalong nagpangyaring hindi ko siya paniwalaan. hindi; hindi ko siya pinapaniwalaan.

pero hindi ibig sabihin na hindi ko siya naiintindihan. hindi ibig sabihin na hindi ko siya iniintindi.
iisa ang pait ng kinimkim na kahapon. iisa ang bigat ng damdaming humulagpos mula sa kaibuturan ng puso. kaya ko siya naiintindihan. kaya ko siya iniintindi.

sa lab kanina ay naroon siya, nag-iintriga at nag-iisyu.

wala na sa wari ang kaseryosohan na dala ng pag-uusap na iyon ilang araw na ang nakakaraan. wala na ang pait at bigat ng loob.

at habang ibinubuyo namin siyang karirin ang mga susunod na sem para makaabot sa pagiging-suma, naisip kong ito’y isang magandang distraksiyon. isang magandang pagkakataon upang palakihin ang agwat sa pagitan ng isip at puso.

"wala na. ngayon, wala na."

nawa, sa susunod na pagkakataong marinig ko ito mula sa kanya ay wala na ang lungkot at pait.

Mga Komento

Kilalang Mga Post