Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa graduation

nakakasilaw ang entablado. pilit na sumisilip ang papalubog nang araw. para bang ayaw palampasin ang mahalagang pangyayaring ito.

tulad ko. napakarami kong plano. para sana sa iyo. pero hindi ko maisakatuparan.

tinatanaw kita mula sa malayo. tanaw pa kita, pero malayo ka na. halos hindi ko na mawatasan ang iyong anyo. hindi na malinaw ang iyong dibuho sa gitna ng karamihang ito. hindi ka na lumulutang sa gitna ng karagatang ito ng puting blusa at sablay.

waring nalingat lang ako. ang huli ko kasing pagkakaalala ay abot tanaw pa kita. abot kamay pa nga yata. sa bilis ng oras, ang mga sandaling iyon ng pagsasama natin ay isang malayong nagdaan na pala. hindi ako nakapaghanda.

lalo ka nang naglaho sa dilim ng gabi. ang mga ilaw ng bulwagang quezon ay hindi naging sapat upang ipaaninag ka.

dumagdag pa ang malamig na ihip ng hangin sa drama ng pag-iisa.

at hayun, minamasdan kita, palayo nang palayo, paliit ng paliit sa paningin.

hanggang sa tuluyan ka na kitang di makita. tuluyan na kitang hindi madama.

kahit katabi lang kita.

ibinulong ko na lang sa hangin ang isang malungkot na paalam. kung kailan ito maihahatid sa iyo ay panahon lang ang nakakaalam.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.