Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga dulo, katapusan, huli, at mga katulad nito (para kay george)

nakakapagod mag-stairs.

lalo na kapag limang palapag o higit pa ang aakyatin mo. at kung ang pupuntahan mo pa ay isang pormal na pagtitipon, baka mawala na ang lahat ng bakas ng pagiging-presko sa katawan mo kapag nilakad mo ang ilang daang hakbang ng stairway. sa ganitong mga pagkakataon, kumbinyente ang mag-elevator.

pagharap mo pa lang sa pinto ng elevator, excited ka na. siyempre, hindi dun sa mismong pagsakay sa elevator (unless, first time mo). excited ka na para dun sa kung anuman ang pupuntahan mo sa ikalimang palapag. kung naka-amerikana ka, malamang na inaayos mo na ang iyong kurbata matapos pindutin ang buton na nakaturo paitaas at naghihintay na bumukas ang pinto sa iyong harapan.

pero, siyempre, hindi lang naman ang pupuntahan mo ang nasa ikalimang palapag. meron pang ibang opisina o function hall na naroon. kaya, sa mga sandali na naghihintay ka para makapasok sa elevator, may iba pa na nakaabang din. mga taong tulad mo ay nakapustura. mga taong di mo kilala.

sa wakas ay bubukas ang pinto. papasok na kayo, ikaw at ang iba pang nakaabang sa harap nito.
dahil sa dami ninyong mga sasakay, maraming pwedeng mangyari. halos siksik na siksik na kayo marahil. maaapakan ng iba ang paa mo. maririnig mo ang usapan ng iba mong kasama, mga usapang hindi mo naman maunawaan. may mga aalis sa pana-panahon. may mga taong mula sa ibang palapag na mapadaragdag sa loob ng elevator: mga bagong makikisiksik, makikiapak, makikipag-usap.
pero dahil sandali lang naman ang sakay ay hindi mo mapapansin ang mga ito.

muling bubukas ang pinto at ibubungad sa iyo ang ikalimang palapag.

didiretso ka na sa iyong function room na pupuntahan. ang iba ay kasama mo marahil patungo roon. ang iba naman, pupunta sa iba pang opisina. siyempre, meron din namang maiiwan. at sa iyong pag-alis, tiyak na meron ding papasok at kukunin ang puwestong inokupahan mo.

doon mo mararamdaman kung gaano kabilis ang limang palapag na biyahe. doon mo maiisip ang kaibahan ng mas malawak na pasilyo ng ikalimang palapag ng gusali kumpara sa siksik na elevator. pero, darating pa rin ang panahon na hahangarin mong muling makisiksik dito sa iyong pag-uwi.

dahil sabi naman ni george ay diyan daw ako magaling, ilapat na natin nang diretsahan ang analohiya. ang buhay kolehiyo ang maliit na espasyo ng elevator; ang bilang ng palapag ang taong dapat gugulin para rito. sa totoong buhay, marami rin tayong nakakasabay sa pagdaan sa yugtong ito ng buhay. at kung sa elevator ay literal na maraming nagiging close enough sa atin, ganun din sa college, pero sa emosyonal na paraan. although sa pana-panahon ay napapaaway din tayo: nakakaapak at naaapakan.
siyempre, hindi naman lahat ay kasabay nating dadaan sa yugtong ito. yung iba sa "mas mataas na floor" sisimulan ang kanilang biyahe. pero pwede pa rin silang "makisiksik" sa ating buhay, sa liit ba naman ng kolehiyo.

at pagkatapos, paglipas ng limang taon, maiisip mong napakabilis pala ng panahon. kapag lumabas ka na sa mas malawak na mundo, malalaman mong napaka-confined ng college life mo.

in spite of that, hahanap-hanapin mo pa rin ito. aasamin. papangarapin.

mare-realize mo na hindi ikaw ang isinakay ng "elevator" sa kanyang maliit na kahon, kundi ikaw ang nagsakay sa "elevator" na ito sa loob ng iyong puso.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.