Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa basket at pabigat

ito ang analogy na nadevelop ko nang kausap ko si phoebe at si steph kanina.

ang puso natin ay maihahalintulad sa isang basket. siyempre, iba’t iba ang laki nito depende sa bawat tao.

ang mga taong nakakasalamuha natin sa ating buhay ay naglalagay ng iba’t ibang bagay sa ating "basket." may mga bagay na magaan. may mga bagay na mabigat. depende sa bigat ng isang bagay kung gaano naging kahalaga sa atin ang isang tao.

may mga tao na sa simula pa lang ay malaki at mabigat na bagay na ang inilagay sa ating "basket." sila ang mga nagiging silay at crush natin. tawag naman ng iba sa kanila, "love at first sight " daw. pero, sa totoo lang, sila yung mga madaling kalimutan. dahil iisang piraso lamang ang inilagay nila sa ating puso, madali itong ihagis palayo.

pero, sa kabaligtaran naman, may mga taong naglalagay ng maliliit at magagaang bagay sa ating "basket." paunti-unti. dahan-dahan, pero patuloy. araw-araw ay dinadagdagan nila ng maliit at magaang bagay ang ating buslo. hanggang sa dumating ang panahon, na napakabigat na nito. ito ang tunay na pag-ibig.

pero di tulad sa kaso ng mga silay at crush, hindi madaling ihagis palayo ang ganitong uri ng "pabigat." kasi, maraming butil ang kailangang ihagis. at sa katunayan, baka habang naghahagis tayo ng ilang mga piraso, dinadagdagan naman ng taong iyon nang mas marami pa ang ating karga. baka sa halip na gumaan, lalo pang bumigat ito.

darating ang panahon na hindi na natin ito makakaya. sasabihin na natin sa taong iyon na tayo ay "nabibigatan" na. dalawa ang pwedeng mangyari. una, maaaring hindi natin namamalayan na tayo rin pala ay nagdaragdag ng "pabigat" sa kanya (MU pala kayo!), and you end up helping each other carry the load. in other words, kayo na. pero ang pangalawang pwedeng mangyari, hindi pa rin siya tumigil sa pagdagdag ng pabigat sa iyo at hindi ka niya tulungan sa pagbitbit sa iyong basket. in other words, basted ka.

kapag gayon ang nangyari, darating ang panahon, masisira ang iyong basket. mawawasak dahil sa bigat.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kalayaan at limitasyon sa pamamahayag

Madalas na itinutumbas ang demokrasya sa kalayaan. Iniisip tuloy ng iba na dahil nasa demokrasya tayo, pwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Pero hindi ganun. Meron pa ring mga limitasyon. Naaalala ko pa ang pagpapaliwanag dito ng guro ko noon sa UP. Ang mga pamahalaan daw ay mga magulang, at tayo ang mga anak na naglalaro sa bakuran. Ang mga gobyernong mahigpit ay gaya ng mga magulang na hindi pumapayag na maglaro ang kanilang mga anak, anupat pinagbabawalan pa man din silang lumabas ng bahay. Ang demokrasya naman ang katumbas ng mga magulang na hinahayaang maglaro ang kanilang mga anak sa malawak na malawak nilang bakuran.  Pero meron pa ring bakod. Meron pa ring mga limitasyon. Bawal pa ring maglaro sa tabi ng kalsada dahil baka masagasaan. Bawal pa ring maglaro ng apoy o ng matatalim na bagay dahil baka masaktan at makasakit. Ang kalayaan ay may kaakibat na tiwala na magiging responsable pa rin ang pagkilos ng mga binibigyan ng kalayaang iyon.

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.