Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagsusulat muli

dumating na naman ang panahon kung kailan wala na namang ginagawa at maraming panahon para sa pagsusulat.

at lalo pang espesyal ang panahong ito para sa paghahabi ng mga salita. punung-puno ang imbakan ng karanasan na siyang pagkukunan ng mga istorya't katha.






sa isang dako, ang mabubuting balita. ang pagkabunot ng tinik sa pagpapasa ng grado at ang pagkaalam na wala akong tuturuan ngayong tag-init. sumunod ang hitik sa sayang bakasyon sa makasaysayang ilocos kamakailan. at ang pagtatapos sa ika-27.

sa kabilang banda, ang di-mabuting mga kalagayan. tulad ng lumulubhang kalagayan ng aking bayaw, at ang pag-alis nila pabalik sa denmark sa lunes. ang pagkawala ng trabaho ni ate. pati na rin ang kahungkagang dala ng pagkawalay sa mga kaibigan at kasamahan sa trabaho sa loob ng dalawang buwan.

nariyan din ang mga interesanteng kuwento tungkol sa buhay-buhay ng iba, na hindi ko naman talaga hilig na isama sa mga sulatin pero kung tutuusin ay mas kapanapanabik para sa mambabasa. si boylet1 na naguguluhan tungkol sa nararamdaman kay girla1. na dating chinochorva ni boylet2. na friend ni girla2. na na-link dati kay boylet1.






kung noon pa nangyari ito, tiyak nang bumukal ang marahil ay milyon-milyong salita at tinakpan ang ilang daan pilyego ng papel. sadyang napuno na sana ang isang buong cd o baka nga isang buong hard disk ng elektronikong mga akda. ang mga itinuturing kong pinakamahuhusay kong akda ay yaong mga pawang isinulat sa panahon ng bakasyon at kawalang-ginagawa. bawat putak ng kapitbahay at kahit pa mga hukay para sa mga posteng itatayo ay pinapatulan ko, pati big brother at maalaala mo kaya sa telebisyon ay nailalahok ko sa mga tudling at talata. pero iba na ang panahon ngayon. sadyang hindi mauubos ang mga paraan at dahilan para magkuwento nang magkuwento, pero wala pa talaga akong gana. at wala pang katiyakan kung kailan ito babalik (o kung babalik pa nga ba).

sa ngayon, ang pagsusulat sa blog ay naging isang ehersisyo na lamang ng disiplina sa sarili para sa akin. sa pagnanais na makapagsulat araw-araw para sa isang bagong elektronikong kuwaderno ay tinatapik-tapik ang utak, hinihila-hila kamay at kinakaladkad ang memorya.



sabi nila ganun daw talaga. hindi mo makukuha ang kagalingan sa lahat ng bagay. hiwalay ang kaliwa at kanang bahagi ng utak, magkaiba ang aspektong saklaw nila, at, ang masakit, kadalasan nang dominado ng isa ang kabila. sa pitong taon ko sa pag-aaral at pananaliksik sa agham, tiyak na umaariba ang kaliwang hemispero dito sa loob ng kukote ko. pero hahabol din ang kanan. hindi pa nga talaga ngayon, pero hahabol din ang kanan.

wala namang nagsabing may karera.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...