Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa mga bahay at sa tahanan

hindi ako nakatira sa batac, pag-uulit ko kay manong a.k.a. sarhento noong sabado. nagkataon lang siguro, sagot ko nang itanong nya ang tungkol sa aking apelyido. pero tiyak, pagdiriin niya, tiyak na ang aking pinagmulan ay sa batac, ilocos norte.

"sabi mo galing ka dun. wala ka bang naramdaman? ganun yun, may lukso ng dugo."

kaya naman pala ipinagpilitan ni manong na taga-batac ako ay dahil bilib na bilib siya kay marcos. na taga-batac. nang sabihin ko na batac ang apelyido ko ay halos sambahin na ako. ganun na lang kung tawagin akong sir. at alalang-alala sa aircon at sa seatbelt, at kulang na lang ay kumutan ako nang di masinagan ng araw.

at ang pinakamaganda pa diyan, hindi nanghingi ng sobrang pasahe. hanggang sa kahuli-hulihang beinte-singko. :)



*****



napataxi ako kasi may usapan kaming magkita-kita nina phoebe at steph. naghahanap sila ng bahay. ang mga kahilingan para sa mapalad na lilipatan: dapat na maging isang sakay mula sa ortigas, maganda, at siyempre, mura.

nilakad namin ang buong kahabaan ng dr. pilapil st. sa san miguel, pasig. ala-una hanggang alas-tres ng hapon. sa ilalim ng matinding init ng araw ay naghahanap kami ng masisilungan - kapuwa literal at makasagisag. pero wala na yatang bahay na makakaabot sa lahat ng hinahanap nila. ang magandang bahay ay mahal, ang murang bahay ay pangit at masikip. makahanap man ng maganda't mura, malayo naman sa ortigas.

pinag-iisipan pa nila kung papayag sila sa isang P6000 na kuwarto, bagong-bago, may kusina, kuwarto at banyo, sulit sana pero dalawa lang sila. o ang P4000 na apartment na dalawang palapag. o ang P5000 na dalawang palapag, pero parang ayaw namang pa-rentahan.
ang hirap palang humanap ng bahay ngayon.

pagdating namin sa galleria sa pagtatapos ng araw, ubos na ang tubig sa katawan ko, at ang aking pasensya. para makapagpahinga, naglaro muna kami ni steph ng bowling, at hayun, sunod namang naubos ang aking pera.

nang gabing iyon, ipinangako ko sa sarili ko na sa hinaharap, bahay ang una kong ipupundar.



*****



matapos ang higit isang taon ng paninirahan sa pilipinas, nagpasiya na si diche at ang asawa niya na bumalik sa denmark.

biglaan ang desisyon, at namalayan na lamang namin ang mga sarili na nag-iimpake para sa paglipad nila ngayong lunes, 14 abril. nasa ospital pa si kuya at nagpapahinga para sa anxiety attacks, at ang nakatambak nilang mga gamit sa bahay ay unti-unting isinisilid sa mga bag sa pamamagitan ng instruksiyon ni diche mula sa telepono.

ang mga naiwan sa pilipinas: ang kanilang bahay sa olongapo na pauupahan yata; ang microwave oven, ang aming ikalawang coffee maker, dose-dosenang fresh milk na nagtambak sa ref, pagkarami-raming spaghetti, hot and cold dispenser, at mga gamit sa kusina na iiwan sa bahay; ang kama at sofa, mga gamit sa kusina na namana ni ate; ups, printer at scanner, mga stack ng blank dvd-r, mga software at games, pelikula, at ang sosyal na mesang pang-opisina na iniwan sa akin;

at kami.

punung-puno man ang bahay ng magagandang gamit, mas lumuwag naman ang tahanan sa pagkaalam na isang miyembro ng pamilya ay naroon sa kabilang panig ng mundo, maririnig at makikita pero hindi makakasama at maaalagaan sa gipit na panahon.

ingat kayo diche. chat2 na lang...

Mga Komento

  1. iesalamat po sa pag-sama sa paghahanap.. kakamis nga pag may umaalis sa pamilya.. aaaw.. haaay

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...