tungkol sa malalamig na gabi ng tag-init, at ang sing-lamig na lab life

It’s been cold summer nights since we drifted apart
Cold summer nights since you’ve walked out that door…
"Cold Summer Nights," FrancisM, circa 1990

Pagkalamig-lamig ng aircon sa Instru, ang lab na kinauugnayan ko. Kailangan kasi ang gayon para sa mga computer, lalo na sa cluster na nasa ibaba ng staff area.

Kaya naman matapos ang mainit na mock defense ng adviser ko sa kanyang dissertation (kung saan literal akong pinagpawisan) ay Instru kaagad ang tinungo ko. Para bumalik sa trabaho. Para magpalamig. Ng katawang ligo sa pawis at ng ulong windang sa tensyon.

Maya-maya pa’y naramdaman ko ang lamig sa lab. Ipinasiya ko nang umuwi kahit di ko pa tapos gawin ang revisions ng thesis ko. Paglabas ko sa lab ay siguradong mainit na ulit, iniisip ko. Simula na kasi ng summer.

Sumabay sa paglabas ko ang nagugutom na si Tons. Maghahanap siya ng kainan sa dis-oras ng gabi. 

Binaybay namin ang tahimik na mga hallway na umaakay sa mga pinto ng Llamas Science Hall, nag-uusap tungkol sa aming mga research. Bandang huli’y binabagtas na namin ang noo’y walang dumaraang oval. Sinlayo ng distansiyang nilalakad namin ang mga paksang tinatalakay namin. Mula sa research ay tumungo kami sa acads bago napadpad sa pangangasiwa sa org at sa buhay sa pangkalahatan. Tapos ay balik sa research, acads, …

Ang paggawa ng pananaliksik sa agham ay isang hamon sa ganang sarili; ang paggawa ng gayon sa gitna ng isang di-mapagpahalagang lipunan ay parusa. Sa tingin kasi ng karamihan sa mga Pilipino (sa pangunguna ng Pangulo herself), ang research ay BASURA. Wala silang pakialam dito.
Pero nang makausap ko si Tons, nakita ko ang katotohanan: MAY PERA SA BASURA! (nyehehehe…)

Pero, seriously, hindi naman basta pera lang ang nasa propesyong ito. Pagtanda ng isang tao at nag-evaluate siya ng buhay niya, ang batayan niya para sabihing masaya siya sa buhay niya ay kung nagawa niya ang mga bagay na gusto niya. Gusto kong mag-research. Magiging kulang ang buhay ko kung sakaling hindi ko ito nagawa.

Umihip ang isang napakalakas at napakalamig na hangin habang palabas kami patungo sa Balara.

Nagkaroon ako ng higit na dahilan upang kainggitan ang napakagandang Astrosoc jacket ni Tons.
Napaisip ako. Buti pa sa lab life, artipisyal ang lamig… sa isang pihit ng switch ng aircon, maaari na itong mawala. Di tulad ng love life… tulad ng malamig na hanging ito sa kalagitnaan ng summer, di mo ito kontrolado.

Ipinasiya kong samahan muna si Tons sa pagkain sa isang maliit na carinderia. Mas interesado na ako ngayong makipag-usap tungkol sa mga research prospects…

Mga Komento

Kilalang Mga Post