Lumaktaw sa pangunahing content

Mga Post

tungkol sa mga bagay na pinanghahawakan

nilalakad ko ang titulo ng lupa na nabili ko, at kung saan-saan na ako ipinadpad nito sa Makati. sadyang napakalaki nga siguro ng kawanihan, kung kaya't kinailangan kong magpalipat-lipat sa iba't ibang gusali. isa pang bagay na napansin ko ay ang karagdagang pag-iingat na ginagawa nila sa pagsasaliksik may kinalaman sa mga dokumento. ang inaakala kong isang maliit na papel na pipirmahan lamang ng isang ginoo o binibini ay sa katunayan isang kalahati o buong oras na paghihintay. wari bang bawat linya ay hinihimay, sinusuri. kung sabagay, hindi naman sila masisisi. ang titulo ay siyang magpapatunay ng pag-aari ng isang sukat ng mundo. *****

tungkol sa tahimik na mga Sabado ng pagtambay sa walang taong coffee shop

hindi makapagpasiya ang ulan kung babagsak o hindi. hindi tulad namin ni Steph. nakailang kilometro na yata ang nilakbay ng tricycle para lang marating ang aming destinasyon. isang kapihan sa kaloob-looban ng isang village sa Las Pinas. na para bang walang coffee shop sa Cubao, o sa Megamall, o sa Mall of Asia. nang makarating na kami, malugod kaming sinalubong ng mga tauhan na sabik sa pagdating ng mga parokyano. kami lang pala ang tao. at doon, kasabay ng paghigop ng mainit na kape, Internet, pagbutingting sa iPod ni Steph, at walang katapusang pagkuha ng mga larawan sa Photo Booth, pinagsaluhan namin ang isang tahimik na Sabado na malayo sa sibilisasyon, pinapangarap na marami pa sanang gayong mga Sabado ang dumating. ika-57 buwan namin. nakakasabik ang bawat buwan na kami. :)

tungkol sa mga sabadong walang trabaho

alas-dose na yata ako nagising. pero hindi pa ako bumangon. may kung anong napakalakas na pang-akit na magnetismo kapuwa ng kama sa likod ko at ng mata ko sa kaniyang talukap. hindi ako makabangon at hindi ako makadilat. nang sa wakas ay makayanan ko nang iangat ang katawan mula sa pagkakalugmok, inabutan kong bukas ang TV sa isang eksena sa Eat Bulaga. umulit-ulit sa tuloy sa ulo ko ang sikat na pantapos na linya ng Spoliarium ng Eraserheads: umiyak ang umaga...ano'ng sinulat ni Enteng at Joey d'yan...sa pintong salamin... kumain at nagbukas ng computer, pero sa pag-idlip, este, mahimbing na tulog muli ang bagsak. o kung ang bawat araw lamang sana ay isang Sabadong walang pasok...

tungkol sa bagong faculty room

ito ay isang kapana-panabik na panahon para sa NIP: unti-unti nang natatapos ang buong bulwagan, at naging posible na ang maraming bagay na hindi naranasan ng mga nauna sa amin. kabilang na rito ang pagkakaroon ng sariling faculty room.

tungkol sa pagsasaayos ng mga email

ang inbox ko noon ay isang magulo, maingay na palengke -- mahahanap mo ang lahat ng kailangan mo sa iisang lugar. mga mensaheng bago, bagu-bago, luma, bulok, patapon. masaya na noon ang mga dumarating kong mensahe na mabasa ko sila; marami ang hindi man lamang naranasan ang ganitong pribilehiyo. mapagpasalamat silang lahat dahil hindi ako nagbubura. nang tumuntong ng libu-libo ang mensahe sa inbox ko, napag-isip-isip ko na kailangan ko nang mag-sort. nagsimula ako sa paggawa ng mga filter (at pagbabago sa mga lumang filter). pagkatapos ay ang madugong proseso ng isa-isang pagpili sa mga mensahe; pag-check; at paglilipat sa mga folders na dapat nilang kalagyan. mabuti na lamang at karamihan sa mga mensaheng natatanggap ko ay mula sa NIP, kaya sa isang pasada ay dose-dosenang mensahe agad ang naa-archive ko. pero kahit na paulit-ulit, nakakapagod pa rin ang maglipat ng libu-libo. kung minsan ay mapapahinto sa pailan-ilang mga mensahe na mula sa mga kaibigan at mahal sa buhay. mga m...

tungkol sa pagkakaibigan

aminin na natin: hindi ka laging pwedeng maging nariyan para sa lahat ng iyong kaibigan. nariyan ang pisikal na distansiya. lagi at laging magsasanga ang daan para sa lahat ng tao, gaano pa man magkalapit at magkatali ang kanilang mga buhay. may aalis at maiiwan. o baka naman parehong maglalakbay. gustuhin man natin, wala tayong magagawa minsan kapag ang pagkakataon na ang naglayo sa atin mula sa isang taong mahalaga sa atin. isang bagay rin ang panahon. ang nagbabagong mga kalagayan ay humihiling ng pagbabago sa paggamit ng panahon. may kailangang unahin; may kailangang isaisantabi. madalas, ang ilang mga kaibigan ang kailangang "magbayad" para sa panahong kailangang ilaan para sa ilang mas mahalagang bagay. alam man nila ito o hindi. gayon din, kailangang isaalang-alang ang takbo ng mga pangyayari. bilang mga tao, lumalago ang ating pagkatao at lumalawak ang ating mundo. sa paglawak na ito ay baka may maiwanan tayo mula sa ating dating buhay. pero hindi naman mauub...

tungkol sa bagoong

uso na naman ang mangga. hindi, hindi yung hinog (pero, oo, masarap din ito). ang tinutukoy ko ay yung manggang hilaw. indian. namimintog. yung tipong makintab pa ang berdeng balat dahil sa dagta. mga ilang linggo na sa bahay ang basket ng hilaw na mangga. naghalo na ang mga nanggaling sa palengke at ang mga ibinigay ng kapitbahay mula sa kanilang puno. nahinog na nga ang iba. kaya naman naisipan kong pumapak ng isa (sana) kahapon. natakam ako, hindi sa mangga, kundi sa bagoong na alamang na nasa garapong katabi ng basket. ang nagsimula sa pagtikim sa isang ga-kurot na bagoong ay natapos sa paglapang sa isang mangga, dalawa, tatlo...hindi ko na nabilang. nakilantak na rin kasi ang kapatid ko, at ipinagbalat na kami ni mama. hindi mo pa tapos ang isang hiwa mo na pinaibabawan ng isang sentimetrong kapal na bagoong, naglalaway ka na para sa kasunod. may problema nga lang. ang bagoong ay gawa sa alamang. ang alamang ay hipon. at allergic ako sa hipon. iniiwasan ko...