Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa bagong faculty room

ito ay isang kapana-panabik na panahon para sa NIP: unti-unti nang natatapos ang buong bulwagan, at naging posible na ang maraming bagay na hindi naranasan ng mga nauna sa amin. kabilang na rito ang pagkakaroon ng sariling faculty room.




may isang taon din akong naglagi sa junior faculty room sa ground floor, ang opisinang animo'y isang call center sa disenyo ng mga cubicles (bukod pa sa madalas na magdamagang pagtatrabaho ng mga okupante rito). nasanay na rin pala ako sa ingay: mga nagpapayabangang mga guro, mga nagkukulitang magkaibigan sa likuran, mga ingay ng estudyante mula sa labas na nasasagap ng intercom. mga panahon iyon kung saan tatayo ka lang kung napapagod ka na, magyayayang kumain sa kapitbahay na nasa harap at gilid.

pero ngayon, iba na. nasa sarili na akong kwarto, na mailalarawan sa tatlong magkakaugnay na parirala: (1) malawak na espasyo; (2) maraming aparador; at (3) matahimik anumang oras. ang huli ay kapuwa isang pagpapala at sumpa: natatapos ko ang mga trabaho ko sa isang tahimik na kapaligiran, pero kailangan pa ngayong mag-text at mag-chat para lamang makapagyaya. ok din pala ang walang ingay, pero nakakamiss din pala ang ingay.


kung sabagay, hindi naman laging nakalulumbay rito sa maliit kong sulok.


ang faculty room ay sagisag na kailangan na ngayong makapagsarili at makatayo sa sariling paa, sa pagtuturo at sa pagsasaliksik. pero sa pagiging independent mas lumilinaw ang pangangailangang makipag-ugnayan sa iba.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...