Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa bagoong

uso na naman ang mangga.

hindi, hindi yung hinog (pero, oo, masarap din ito). ang tinutukoy ko ay yung manggang hilaw. indian. namimintog. yung tipong makintab pa ang berdeng balat dahil sa dagta.

mga ilang linggo na sa bahay ang basket ng hilaw na mangga. naghalo na ang mga nanggaling sa palengke at ang mga ibinigay ng kapitbahay mula sa kanilang puno. nahinog na nga ang iba.




kaya naman naisipan kong pumapak ng isa (sana) kahapon.

natakam ako, hindi sa mangga, kundi sa bagoong na alamang na nasa garapong katabi ng basket. ang nagsimula sa pagtikim sa isang ga-kurot na bagoong ay natapos sa paglapang sa isang mangga, dalawa, tatlo...hindi ko na nabilang. nakilantak na rin kasi ang kapatid ko, at ipinagbalat na kami ni mama.

hindi mo pa tapos ang isang hiwa mo na pinaibabawan ng isang sentimetrong kapal na bagoong, naglalaway ka na para sa kasunod.









may problema nga lang.

ang bagoong ay gawa sa alamang. ang alamang ay hipon. at allergic ako sa hipon. iniiwasan ko ang hibi, ang sugpo, at iba pang luto sa hipon. pati na rin ang marami pang ibang lamang-dagat. kung ang bagoong sana ay mula sa tindero sa kanto, na malamang na hindi tunay na hipon; kaso nga lang, ang alamang ay binili sa palengke, at ang bagoong ay inihanda ni mama. hindi naman sana ako dating ganito; pero nang tumuntong ako sa kolehiyo ay bigla ko na lang kinailangan ng anti-histamine tuwing kakain ng lamang dagat. at lalo na ng masarap na alamang.

hayun, mga ilang oras pagkaraan, makating mga braso ang resulta ng pagkatakam sa bagoong (buti nga ay iyon lang).










kamakailan lang ay natapos ko na ang aking huling degree sa unibersidad.

naaalala ko pa ang mensahe ni Sir Johnrob para sa amin na binanggit niya noong piging ng laboratoryo. sinabi niyang ang maturity ay wala sa edad kundi nasa isip. ito ay nagsisimula sa pagtanggap na may mga bagay na hindi na pwedeng gawin. hindi niya pinalawak; pero ilan siguro sa mga tinutukoy niya ay ang hindi na pagkilos na parang bata; hindi na pagsusuot ng kung anong kasuotan na lamang (dapat na sigurong maging disente); at hindi na pag-asa sa iba, sa adviser, para sa direksiyon at mga plano.

kung sabagay, para naman talaga sa bawat bagay na nakakamit, dapat na mayroon ding isakripisyo; wala nang libre ngayon, sabi nga nila.




e bakit ba?

hindi naman siguro sa lahat ng pagkakataon ay dapat kang malimitahan sa loob ng kahon dahil sa mga bagay na hindi mo na pwedeng gawin. optional naman kung minsan ang maturity. may panahon para sa lahat ng bagay, ang sabi nga ng Bibliya, kaya siguro ay mayroon ding panahon para kumawala sa mga bakod na itinakda para sa sarili o ng lipunan. pwede rin sigurong hubarin kung minsan ang maturity.

kung ang bagoong nga, pwede pa ring ilatag, ibalot sa mga hiwa ng manggang hilaw. namnamin. kahit pa may allergy.

Mga Komento

  1. Malamang kasama sa pagtanggap ng mga bagay ng hindi na pwedeng gawin ay ang pagtanggap sa mga dapat gawin bilang tao at bilang kaakibat sa bokasyon sa buhay: pagiging ama, pagiging asawa, anak, titser, estudyante, adviser, advisee, atbp.

    Tama, kasama dito ang posibilidad ng paghubad ng "maturity". Lalo na kung ang maturity ay laging nakakulong sa isang kahon ng idinikta ng nagbabagong lipunan. Ang totoong maturity ay ang pagtanggap na may mga ideal na dapat nating gustuhing makamit dahil ito ang magpapalapit sa atin sa Absolute at magbibigay ng totoong kaligayahan bilang Tao. Kahit pa mahirap itong abutin.

    Napag-isip ako ng malalim. Sang-ayon ako na ang isang sintimetrong mangga ay nakakapaggising ng kamalayan. Sa nabasa ko sa sulat mo, naglaway ako sa mas maraming mangga.

    TumugonBurahin
  2. Ang totoong maturity ay ang pagtanggap na may mga ideal na dapat nating gustuhing makamit dahil ito ang magpapalapit sa atin sa Absolute at magbibigay ng totoong kaligayahan bilang Tao. Kahit pa mahirap itong abutin.
    -- sang-ayon ako. ito lamang ang paraan para sa tunay at namamalaging kaligayahan. salamat sa pagbisita, Sir. :)

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...

tungkol sa mga kuwentong itinuturo sa iyo ng pagmamahal sa taong hindi ka/mo mahal

pumili ka ng isang random faculty member sa NIP ngayon at tanungin mo tungkol sa lovelife. siguro 90% of the time makakarinig ka ng kuwentong "unrequited love". yung iba nga, kapuwa faculty member pa ang sangkot sa istorya! at marami ang hindi pa tapos - kasalukuyang nasa ganitong estado. kasama ako sa 90%. kapuwa faculty member din ang sangkot (alam na niya kung sino siya). pero i'm proud to say na sa kaso ko ay tapos na ang (malungkot na) kabanatang iyon ng aking buhay, at kapuwa na kaming maligaya sa aming kani-kaniyang pag-ibig. dahil sa huling nabanggit, sa palagay ko ay may karapatan at kakayahan na ako na magpayo sa mga taong nasa ganitong kalagayan. sa katunayan, napayuhan ko na ang isang tao (kilala na rin niya kung sino siya). ito ang ilan sa mga puntong gusto kong ilahad may kinalaman sa pagmamahal sa isang taong hindi ka mahal: ang sabi nga sa Bible, ang puso ay mandaraya. marami sa atin, kapag na-inlab, ang nag-iisip na "Siya na!" at binubuod ...

tungkol sa paglalakad-lakad kapag hapon

Marami akong teaching load  ngayon, pero dahil sa hybrid   na setup  ng unibersidad, nagkaroon ako ng mga pagkakataon para manatili lang sa bahay ng ilang araw bawat linggo. Lalo pa ngayon at nagsisimula pa lang ang mga klase.  Sa nakaraang dalawang linggo, ginugugol ko ang Lunes at Martes na nakaupo sa harap ng computer  para magdaos ng klase, sunud-sunod pasimula ng alas-siyete ng umaga. Ang tig-isa't-kalahating oras na mga klase ay may pagitan lang na labinlimang minuto, sapat lang para sa toilet breaks  at maikling pagkain. Matapos ang lahat ng mga sesyon, gugugol pa ako ng panahon para mai- upload  ang mga video  at iba pang materyal para sa mga klaseng iyon. Matatapos ako nang mga alas-kuwatro ng hapon.  Kapag bumaba na ako mula sa opisina, naghihintay na ang mag-ina ko; sila rin ay nag-klase (ang anak namin ay homeschooled  ng kaniyang ina). Pagbukas ng pinto, bubungad sa amin ang gintong araw ng hapon, tamang-tama lang bago ...