Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagkakaibigan

aminin na natin: hindi ka laging pwedeng maging nariyan para sa lahat ng iyong kaibigan.

nariyan ang pisikal na distansiya. lagi at laging magsasanga ang daan para sa lahat ng tao, gaano pa man magkalapit at magkatali ang kanilang mga buhay. may aalis at maiiwan. o baka naman parehong maglalakbay. gustuhin man natin, wala tayong magagawa minsan kapag ang pagkakataon na ang naglayo sa atin mula sa isang taong mahalaga sa atin.

isang bagay rin ang panahon. ang nagbabagong mga kalagayan ay humihiling ng pagbabago sa paggamit ng panahon. may kailangang unahin; may kailangang isaisantabi. madalas, ang ilang mga kaibigan ang kailangang "magbayad" para sa panahong kailangang ilaan para sa ilang mas mahalagang bagay. alam man nila ito o hindi.

gayon din, kailangang isaalang-alang ang takbo ng mga pangyayari. bilang mga tao, lumalago ang ating pagkatao at lumalawak ang ating mundo. sa paglawak na ito ay baka may maiwanan tayo mula sa ating dating buhay.

pero hindi naman mauubusan ng espasyo ang puso.

ang layo at kakulangan ng panahon ay hindi iniinda ng pusong di nakakalimot. ang puso ay makapaglalaman ng libu-libong pangalan, mukha at katauhan na naging bahagi na ng ating buhay. kakatwa, kahit walang limitasyon ang pwedeng ikarga sa puso, pwede pa rin natin itong punuin at paapawin pa nga.

ikaw, sino ang kaibigang naalala mo ngayon?

paapawin mo na ang puso mo. isipin mo ang lahat -- nakakatuwa, nakakatawa, nakakalungkot, nakakahiya -- ng mga sandali na ginugol mo kasama ang taong iyon. dali! magpadala ka na ng regalo. magsulat ka na ng isang dedikasyon. magyaya ka na ng sine (kung pwede). mag-email ka na o mag-text. gumawa ka na ng tula. walang malayo sa nag-uumapaw na puso.

tapos bukas, gawin mo uli. sa iba naman. maliit ang mundo. walang makahahadlang sa pagkakaibigan. :)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...