Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa Venice Grand Canal Mall

Ang opisina namin ay nasa gitna ng Venice Grand Canal Mall sa Taguig. 

Sabihin pa, kakaibang ginhawa ang dulot nito. Nasa paligid lang ang lahat ng mga bagay na pwede mong kailanganin. Computer gadget? Mga ilang metro lang, sa itaas. Kape? Meron sa opisina, pero pwede ka ring pumili mula sa iba’t-ibang timpla sa mga tindahan sa ibaba. Aba, katapat pa nga ng lobby ang food court ng mall, na may kasama pang grocery. At, para bang alam na kami ay paaralan, isang National Bookstore; hindi ko alam bakit ito napadpad sa tabi ng pizzeria at grocery sa gitna ng mga kainan, pero pabor sa amin kapag kailangan ng tape, stapler, o marker. 

Pero higit pa sa kaalwanan na dala nito, ang Venice Grand Canal Mall ay nagpapaalala sa akin ng tunay na Venezia, na binisita ko na noon nang maraming ulit



Ang sabi ng mga kaopisina ko, nagmumukha raw tayong kakatwa bilang mga Pilipino dahil sa paggaya, hindi lang sa mga produkto, kundi maging sa mga lugar mula sa ibang bansa. Ang sabi ko naman, mas malala sa atin ang mga Tsino sa pagkopya sa mga magagandang pasyalan. 

Pero sa loob-loob ko: E ano naman? 

Sa tingin ko, ang may-ari ng mall (na siya ring donor at namesake ng aming Institute) ay talagang napahanga sa Venice nang masilayan niya ito. Kaya siya siguro napakilos na dalhin ito sa Pilipinas, para ma-enjoy din ito ng mga tagarito. 

Unang-una na ako, na direktor ngayon ng institusyong ipinangalan sa kaniya. Para bang binigyan ako ng isang regalo: ang palaging paalala na bagamat wala na ako sa makikitid at liku-likong daanan ng Venezia, pwede pa ring dalhin ang saya, pagkamangha, at pananabik na nadama ko sa makailang ulit na paglalagi roon. Oo, pwedeng mapanariwa ito: araw-araw. 

Kaya gaya ng maraming mga namamasyal, kinuha ko ang cellphone at kinuha ang katawan sa itaas. Habang naglalakad papunta sa parking, pinakikinggan ko ang malamig na boses ng Pilipinong gondolier, habang umaawit sa Italyano. 

Maganda ang Venice, kahit pa nasa Pilipinas. Pwede pa ring mamangha, huminto, at magpahalaga. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...