tungkol sa mga tagpo sa tangway
Hindi katulad ng mga makikipot na daan ng Venice.
Mga daan na punung-puno ngayon ng mga taong patungo sa magkabilang direksiyon. Na hindi niya inaasahan; malamig ang panahon, kaya dapat sana ay mas kaunti ang mga turista ngayon.
Abala sa pag-iisip at pag-iwas sa nakakasalubong, hindi na niya namamalayan ang mga ikinukuwento ng kasama. Mga kuwentong ilang ulit na niyang narinig pero hindi siya pagsasawaang pakinggan.
Bandang huli, ang makikipot na daan ay umakay tungo sa malalawak na piazza. "Malapit na tayo," pakli niya, nakahinga nang maluwag (literal at simbolikal) dahil hindi na siksikan. "Sandali," wika ng kasama, "ang ganda ng araw."
Papansinin pa lamang sana niya ang halina ng pagdungaw ng liwanag mula sa kulay-abong kalangitan nang tanganan ng kasama ang kaniyang kamay. "Halika, dito tayo." Makailang ulit na sinipat ang maliwanag na langit; maging siya tuloy, na hindi magaling ni mahilig man sa pagkuha ng mga larawan, ay nakikuha na rin ng litrato ng tagpo.
Dahil mabilis itong lumilipas.
Gaya ng mga pagkakataong ito.
Makailang hakbang pa ay narating na rin nila ang tulay na aakay sa pinakatimog na bahagi ng pangunahing pulo. Narating na niya ito; ang dulo nito ay may patulis na hugis, gaya ng isang maliit na tangway, kung saan ang kanal at ang dagat ay nagtatagpo. Tanaw rin mula rito ang Piazza San Marco, ang pangunahing destinasyon sa Venice.
Habang naglalakad sila sa mga kalsadang nakaharap sa malawak na dagat, naghahalo ang mga damdamin sa kaniyang dibdib. Naroon ang panggigilalas sa kaniyang kasama. Naroon ang takot dahil malapit nang magwakas ang mga sandaling iyon. Pero bandang huli, nanaig ang kapayapaang dala ng mahinang hangin at mga katahimikang dala ng sandali. Napahinto siya. "Ang ganda rito."
"Oo nga," tugon ng kasama, muling kinukuha ang kamera. "Dali, picture."
Ngumiti na lang siya.
Maya-maya pa, nadaanan na nila ang malaking simbahan at ang katabi nitong art gallery. Narating na nila ang dulo ng isla.
Habang abala ang kasama sa pagkuha ng larawan - dumagdag pa ang unti-unting papalubog na araw sa ganda ng tagpo - napatingin siya sa kabilang ibayo, sa direksiyon ng tore ng San Marco. Pinilipilit niyang sagapin ang mga detalye ng sandali - ang bawat kulay ng mga hotel sa kabilang pampang, ang bawat tunog mula sa mang-aawit sa dumadaang gondola, ang bawat malamig na tilamsik ng tubig mula sa paghampas ng mga alon sa gilid ng sementadong mga daan.
Tinungo niya ang kasama at hiniram ang kamera. "Dali, pose ka sa dun sa tip." "Sige, aayusin ko ang kamera." "Okay, one, two,... ngiti naman diyan!"
Click. Maging ang tunog ng kamera ay hindi nakatakas sa kaniyang pansin.
"Ano, tara?" Kuntento na ang kasama sa magagandang kuha ng kaniyang kamera. "Sige, tara."
"Kopyahin mo yung pictures!"
"Okay." Iyon na lang ang nasabi niya habang dahan-dahan silang lumalayo sa tangway, pabalik sa mga tahimik na daan sa tabing-dagat tungo sa mga piazza pabalik sa mga makikipot na daan tungo sa kanilang hotel.
Pero ang totoo, kahit naman hindi na.
Nasa isip na niya ang lahat ng kailangan niyang maalala. ●
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento