tungkol sa nag-iisang windmill



Matutulog siya sa bus. Kahit pa nagdala siya ng aklat para sana basahin. Kahit pa sandali lang, kung tutuusin, ang dalawa't kalahating oras ng biyahe mula Dresden hanggang Berlin.

Kagyat siyang pumikit matapos maupo at magkabit ng sinturong pangkaligtasan. Hindi na niya namalayan ang isa pang paghinto para magsakay ng pasahero sa Neustadt sa kabilang ibayo ng ilog Elbe. Nahihimbing na siya nang lumabas ang bus sa sentro ng siyudad, nananaginip habang bumabagtas sa expressway pahilagang kaluran tungo sa kabiserang lungsod-estado ng Alemanya.

Paano'y napagod siya matapos mapawi ang epekto ng bugso ng adrenalin. Ang pagbisitang ito sa kaibigan sa Berlin ay talaga namang biglaan, na "pinlano" mga ilang oras lang ang kaagahan. "Kumusta, kailan tayo ulit magkikita?" "Ano kaya kung mamaya?" Nagkataon pang may diskuwento sa tiket ng bus. Kaya matapos ang isang mabilisang pag-book ng tiket sa Internet, at ang simbilis na pag-iimpake ng mga gamit at bihisan, hayun at naglalakbay na siya; ang katawan ay pa-Berlin, ang diwa ay patungo sa kung saan-saan pa.

Isa pa, alam naman na niya ang itsura mula sa labas ng bintana. Isang paulit-ulit na tagpo, mga malalawak na mga parang at pailan-ilang mga kakahuyan ng pino.

Ang totoo, hindi naman siya dating ganito. Noon, lagi niyang inaabangan ang bawat malayong biyahe dahil sa pagkakataong makasilip sa mga kakahuyan at kanayunan ng Alemanya. Lalo na siyang manghang-mangha sa di-mabilang na mga windfarm na sumusulpot sa abot-tanaw sa pana-panahon. Ang mga windmill ay gaya ng koponan ng mga basketbolista dahil sa matatayog nilang poste at malalapad na galamay; misteryo pa noon sa kaniya kung paano patuloy na napaiikot ng hangin ang mala-higanteng mga elising iyon. Naisip niyang mas epektibo marahil ang mekanismong ito sa kaniyang pinagmulang bansa, pero, dahil ang bansang iyon ay Pilipinas, ...

Pero pagtagal-tagal pa, at matapos ang makailang ulit na mahahabang biyahe, ang mga toreng iyon ng modernong teknolohiya ay naging gaya na lamang ng pangkaraniwang mga tanawin na nakasawaan na. Oo, maganda pa rin naman sila sa paningin, at kamangha-mangha pa nga rin naman kung iisipin; pero hindi na sapat na mga dahilan iyon para panatilihin siyang gising. Kahit pa sa maiksing biyahe.

Bandang huli, naalimpungatan siya sa pagliko ng bus palabas ng highway at papasok sa lungsod. Una niyang natanaw sa bintana ang isang windmill, mukhang malaki sa paningin dahil mas malapit sa kalsada, pero gaya rin ng iba pa sa pangkalahatan. Habang unti-unting lumalayo ang bus, saka lang niya napansin kung ano ang tunay na kakaiba rito.

Nag-iisa ito. Isang manlalarong napawalay sa koponan. Iniisip pa niya kung paano naging posible iyon - sadya kayang mahina ang hangin doon kaya may lugar lang para sa isang turbina? - nang huminto ang bus dahil sa masikip na trapiko. Ang mga ilaw sa labas ay nagpaaninag sa mga kasama niya sa noo'y halos puno nang bus. Hayun, pare-pareho: ang kanilang anyo, pananamit, maging ang pagbuka ng bibig at tunog ng mga salita na hindi niya mawatasan.

Doon, sa gitnang bahagi ng bus na iyon na patungong Berlin, napagtanto niyang kagaya pala siya ng nag-iisang windmill sa daan. Malayo sa pamilya at mga kaibigan, pinipilit niyang paikutin ang kaniyang mga galamay, wika nga. Anumang interes na dulot ng bagong mga kalagayan at karanasan ay malaong naglaho na. Ang katotohanan ay na, bagamat mukhang matayog at makabuluhan naman ang kaniyang pag-iral, nag-iisa pa rin siya.

Lumipas ang isang oras bago siya nakarating sa tagpuan. Wala na roon ang kaibigan; nagtawagan pa sila upang magkita. Nang mamataan ang kausap sa telepono, napangiti siya; hindi, napatawa. Nawalang bigla ang antok niya; hindi na rin siya pagod at gutom, na para bang hindi siya ang bumiyahe nang biglaan.

Matapos ang maikling tawanan at asaran, napagpasiyahan na nila kung saan kakain. Habang naglalakad palayo, nagpasiya siya. "Uulitin ko nga ito." Nag-iisip pala siya nang malakas. "Ang alin?" tanong ng kasama niya. "Ito. Itong ganito." ●

Mga Komento

Kilalang Mga Post