Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa maulang Maynila

Nagbabadya na naman ang ulan habang minamasdan ko ang lunsod ngayong hapon. 



Sadyang nagpapalit na nga ang panahon. Ang nagdaang mga buwan ay talaga namang pinakamaiinit, na pinalubha pa ng El Niño. Pero unti-unti nang nagsisimulang humihip ang habagat. Nabasa ko pa ang isang post na may namumuong sama ng panahon sa silangan (hindi naman ito fake news, mula ito sa kakilala kong meteorologo). Talagang dapat nang asahan ang maulang Maynila sa mga susunod na mga buwan. 

At ang maulang Maynila ay isang mahirap-lakbaying Maynila. Nitong nakaraang mga araw, mararamdaman mo ang singaw at halumigmig, kahit pa nga umulan nang sandali. Siguradong sa susunod na mga linggo, kapag bumuhos na nang todo ang ulan, babalik ang dating mga problema sa kalsada, gaya ng pagbaha at ang dulot nitong buhul-buhol na trapiko at mga sakit na dala ng paglusong sa maruming tubig. Napansin ko rin na kahit papaulan na, napakarami pa ring hindi natapos na mga trabaho ng pagbakbak sa mga kalsada; tiyak kong aabutin na ito ng maulang panahon, na lalong magpapalala sa paglalakbay. 

Kakatwa, noong nakaraang mga buwan, isinisigaw ng iba't-ibang mga sektor na ibahin ang kalendaryo ng mga paaralan para ibalik sa Hunyo ang pasimula ng pasukan ng mga bata. Bunsod ito ng pagkansela ng mga klase dahil sa sobrang init ng panahon (na, sa pagkakaalala ko, ngayon pa lang nangyari sa buong mag-aapat na dekada ng buhay ko). Hindi daw tama na may pasok pa ang mga bata sa buwan ng Mayo, na talagang napakainit. Kaya ang solusyon, diumano, ay ang ibalik ang pagpapasimula ng pasukan sa Hunyo. Napagtibay na ito at maisasagawa na sa susunod na dalawang taong pampaaralan. 

Hayun, naiwasan nga ang labis na init. Pasusuungin naman nila ang mga bata at mga magulang sa maulan (kung hindi man binabagyo) na mga kalsada at gusali ng lunsod. • 


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...