Lumaktaw sa pangunahing content

tungkol sa pagpapagawa ng bahay


darating at darating ang panahon sa buhay ng isang tao kung kailan gugustuhin niyang magkabahay.

maaga-aga lang sigurong dumating ang panahong iyon sa akin. kung ang ibang mga kabataang propesyonal na kaedad ko ay nag-iipon para sa kotse, magagarang damit at iba pang pag-aari, ipinasiya kong gamitin ang naipon kong salapi para kumuha ng pag-aari sa San Mateo, malapit sa bahay ng kapatid ko.



hindi, hindi malaki ang naipon ko. isa akong empleyado ng gobyerno, at alam naman natin na dito sa Pilipinas, ang pagiging empleyado ng gobyerno ay isang pampublikong paglilingkod na kadalasan na'y hindi gaanong napapasalamatan sa salita at sa pera. kinailangang humiram, makiusap, magpatulong upang masimulan ang konstruksiyon, at nagpapasalamat ako sa pagkanaririto ng magulang, kamag-anak at kaibigan para tumulong. kung sabagay, nakakaengganyo naman talaga ang tumulong sa isang mahusay na layunin; nakahahawa ang apoy sa mata ng isang taong nagpupursigi.

sulit ang pagsisikap habang unti-unting nagkakaporma ang istraktura. para bang unti-unting nabubuhay ang isang panaginip.





pinili namin ni Steph ang dalawang simpleng bahay, magkatabi, may sapat na bakuran sa harapan, hindi direktang nasisinagan ng araw, malapit sa gate. lahat naman siguro ay nakakatulad namin ng pagdating sa mga bagay na ito.

kakatwa pa, bagamat hindi sinasadya, ang lokasyon ng magkatabing bahay na iyon ay tanaw mula sa ikaapat na palapag ng NIP, sa lugar pa man din mismo ng aking laboratoryo, ang Instru. para tuloy itong isang paalala na magsumikap akong lalo sa trabaho.

ganun naman talaga. mas sumasarap ang anumang gawain kapag may pinag-aalayan na. kapag nakikita na kung para saan ito napupunta. gaano man kahirap ang labanan sa maghapon, isang sulyap lang mula sa bintana ay tanaw ko na ang aking tropeo.




ang bahay ay isa lamang istraktura, sabi nga nila. isang salawikaing Pilipino ang nagsasabi: mabuti pa ang bahay kubo na ang nakatira'y tao, kaysa bahay na bato na ang nakatira'y kuwago. oo, mas mahalaga ang mamamahay kaysa bahay. oo, mas mahalaga ang tahanan kaysa tirahan.

pero kung parehong mayroon -- ng tahanan at tirahan -- wala na sigurong mahihiling pa ang isa.

oo, wala na akong mahihiling pa.

Mga Komento

  1. mabuhay ka aking kamag-aral. maganda ang iyong prinsipyo. naalala kita kung isang linggo nung iniisip ko kung anu nga ulit ang tawag sa mga salitang hindi nagagamit sa unahan ng pangingusap tulad ng din,rin,sana,man,naman

    TumugonBurahin
  2. salamat! :) kung tama ang pagkaka-alala ko, pang-abay yata iyon. hehehe.

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

tungkol sa paglubog ng araw at sa pagpapahalaga sa iba

Ang bawat paglubog ng araw ay naiiba sa iba pa. Siguro, hindi pa naman nagkakaroon ng dalawang sunset na parehong-pareho. Pero ang bawat paglubog ng araw, makatitiyak tayo, ay ubod ng ganda. Gaya ng isang blangkong telang asul na sinabuyan ng iba’t-ibang mga kombinasyon ng pula, dalandan, at dilaw, ang huling mga bakas ng liwanag ng araw ay isang bagay na pwede nating kamanghaan at pagnilay-nilayan, isang obra na nakapaskil sa isang malawak na gallery ng himpapawid.  Pero ang paglubog ng araw ay laging dumarating. Bawat gabi, hindi ito pumapalya. Nag-iiba-iba ang oras kung kailan ito nangyayari, pero sigurado kang darating at darating ito. Dahil sa pagiging maaasahan ng paglubog ng araw, kung minsan ay hindi na ito masyadong nagiging mahalaga sa atin; hindi na natin napapansin ang dulot nitong ganda.  Gaya rin ng isang masarap na ulam na hindi naman nagbabago ang timpla pero nakakasawa rin kapag palaging inihahain. O ng isang awiting napakaganda sana, pero pinat...

tungkol sa romantikong pag-ibig

Ang romantikong pag-ibig ang isa sa pinakamahirap unawaing damdamin ng tao.

tungkol sa tagsibol

Nasa rehiyong tropikal ang Pilipinas; sabihin pa, wala ito ng apat na temperate seasons na nararanasan ng mga rehiyong mas malapit sa mga polo. Nagtataka tuloy ako kung bakit kumpleto ang mga salitang Filipino para sa apat na panahong ito: taglamig, tagsibol, tag-araw, at taglagas. Produkto kaya ito ng maagang interaksiyon natin sa mga Europeo? Marahil; pero ang mas nakapagtataka pa rito, aktuwal na lumikha tayo ng mga katumbas na salita, at hindi na lang humiram mula sa Kastila o Ingles (hindi ba't tunog Pinoy na rin naman ang "primavera" ("spring") at "verano" ("summer"), at madali rin namang hiramin ang "winter" o "fall"?). Para lalo pang ilarawan ang punto: may espisipikong salita tayo para sa apat na ito, pero para sa salitang Ingles na "season" mismo, wala tayong espisipikong salitang maitumbas; ang pinakamalapit nang salin ay ang panglahatang "panahon" na ginagamit din natin para sa maraming ...