tungkol sa atin
nariyan ka ngayon, nakikipagbuno ng gilas at bilis sa pusod ng magulong lunsod.
ang lawak at lapad ng ating pagitan ay pinaliliit ng gahiganteng mga gusaling abot-tanaw mula rito, anupat parang nariyan ka lang, handa akong samahan saanman at kailanma't maibigan.
kung sabagay. anumang agwat at layo ay hindi alintana ng nagmamahal na puso.
heto ako ngayon at naghahasa ng galing at talas.
sila? sila tayo noon: mga mabikas at mapangusap, na ang mga matang nakamulagat ay handang sagapin ang lahat ng imahe ng daigdig at ang mga dilang hitik sa salita ay handang lasapin ang mundo. sila naman. sila naman ang makararanas na ang buhay ay hindi lamang isang masarap na panaginip na bunga ng mabungang tulog, kundi minsan ay isa ring palaisipan at kalbaryo.
nawa'y makuha nila, mula sa akin, ang katotohanang nabatid din natin: na anumang sarap o hirap ang ibato ng pagkakataon, ang mahalaga'y may kasama kang sumalo nito.
hayun tayo o.
tanaw din dito ang silangan. hindi, hindi ang tangkad ng mga gusali ang nagpapangyaring maging gayon. nasa silangan ang mga kabundukan, ang mga mabatong dalisdis at magubat na burol. doon sa silangan natin piniling itayo ang ating pugad, kung saan natin iipunin nang dahan-dahan ang iba pang mga kwento at tawanan at luha. sinasabi nilang hindi pa maunlad ang silangan, pero ano kung gayon? ang silangan ang siya nating pagtakas sa mabilis na lunsod.
at darating ang panahon na kapwa na tayong tatanaw pabaliktad. magkasama nating sisipatin ang maingay ninyong lunsod at ang tahimik naming mga pasilyo.
malapit na iyon.
dahil matagal nang tayo. kaya na nating buhatin ang lahat ng pasanin.
dahil matagal nang tayo. kaya na nating buhatin ang lahat ng pasanin.
mahal na mahal kita.
I'm speechless.. napaiyak ako habang nsa kalagitnaan.. Mahal na mahal din kita.. Namimiss na kita agad.
TumugonBurahinTama ka, malapit na iyon :)